MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagkabahala Senator Imee Marcos sa umano’y plano ng China na gumamit ng hypersonic missiles laban sa mga base military sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sinabi ng Senate Foreign Relations Committee chair na target ng hypersonic missiles na ito ang iba’t ibang EDCA sites sa bansa.
“Dahil sa tingin ng Tsina, talagang kumampi na tayo sa kalaban nila… May nakita ako na plano ng Tsina na gagamitin yung hypersonic missile… Ang plano air, ang plano ay yung hypersonic missile at nakatakda na yung 25 na target nila,” pahayag ni Marcos sa video na inilabas sa kanyang Facebook page.
Wala pang tugon ang Chinese Embassy sa Manila tungkol sa mga ibinunyag ni Marcos.
Samantala, makikipag-ugnayan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa senador para makakuha ng mas marami pang detalye rito.
“The AFP takes such concerns seriously. We are ready to coordinate with Senator Marcos to obtain details and take appropriate actions to ensure our nation’s security,” ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla nitong Miyerkules, Hulyo 3.
Pinirmahan noong 2014, binibigyan ng EDCA ng access ang mga tropang Amerikano sa designated Philippine military facilities para magtayo ng mga pasilidad, magposisyon ng mga kagamitan, eroplano at barko.
“Ang sabi ng US hindi daw nila kaya labanan yung hypersonic missile, mas lalo akong ninerbiyos,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, inisyal na target ng China ang Batanes, Subic at Ilocos.
“Sa pagbabasa natin, may mga (Brahmos) missiles na sa Batanes pati sa Subic. So ‘yung dalawang yun ang uunahin kasama ang Ilocos kasi may mga live-fire Balikatan. Kakatakot nga,” dagdag pa ng senador.
Hindi naman ibinahagi ni Marcos kung saan o kanino niya nakuha ang impormasyon. RNT/JGC