Home OPINION DOLE-OSHC: ISUMBONG NASA LIKOD NG ‘BOGUS’ MEMO

DOLE-OSHC: ISUMBONG NASA LIKOD NG ‘BOGUS’ MEMO

93
0

TALAMAK na talaga ang operasyon ng mga scammer ngayon. Wala pa rin silang puknat sa panloloko at pananamantala sa kahinaan ng ating mga kababayan lalo na ‘yung mga naghahanap ng trabahong mapapasukan. Sa kanilang bagong modus, nakakukulimbat sila ng pera mula sa biktima sa pamamagitan ng pekeng memorandum gamit ang pangalan ng ahensiya ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Naku, masama ito dahil maaaring malagay sa balag ng alanganin ang magandang imahe ng DOLE at ang mga walang kamalay-malay na  tauhan nito.

Nagpapakilala muna silang mga employer sa mga aplikanteng naghahanap ng trabaho at kabilang “raw” sa kanilang checklist ang pagbabayad P5,660 para sa tinatawag na Temporary Security Bond. Alinsunod “raw” ito sa DOLE-OSHA Joint Memorandum Order: Employee Skills and Integrity Verification (MO: 144493) at DOLE-OSHC Memorandum Order: Security Clearance (MO-144493) na nakumpirmang pawang mga bogus o peke.

Mabuti na lamang at agarang umaksiyon ang Occupational Safety and Health Center  sa pamumuno ni Executive Director Engr. Jose Maria Batino sa pagkumpirmang walang ganoong transaksyon o memo mula sa kanilang hanay.

Mababasa natin dear readers ang mahigpit na panawagan at babala ng OSHC para sa ating mga kababayan na may titulong  “ABISO” at kasalukuyang naka-post sa kanilang website (oshc.dole.gov.ph) at Facebook page.

Binigyang diin sa panawagan na hindi naniningil ang DOLE at ang OSHC ng anomang halaga mula sa mga aplikante kapalit ang tinatawag na temporary security bond. Karagdagan pa sa payo at panawagan ng OSHC ang dobleng pag-iingat ng publiko para nga naman hindi tayo mapaniwala ng mga naglipanang salot ng lipunan. Maaari kayong mag-email sa [email protected] kung sakaling may nalalaman kayong transaksiyong tulad nito, pagkakakilanlan o personalidad na patuloy na sumisira sa mga ahensyang tulad ng DOLE at nagpalulubog sa kabuhayan ng ating mga kababayan.

Huwag ding mag-atubiling sumadya sa mga awtoridad tulad ng baranggay, pulis at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang maiproseso at opisyal na maireklamo ang mga patay-gutom na manggagantso.

Boluntaryo tayong tutulong upang masawata ang mga ganitong modus kaya. Maaari din po kayong mag-email sa [email protected] kung sakaling may nakalap kayong impormasyon.

                                         ∞∞∞

Pagbati para sa lahat ng bumubuo ng UDRiVe Group of Coaches sa matagumpay na pagdaraos ng katatapos na “Beacon of Hope: A Night of Compassion” na ginananap noong June 28, 2024 sa Cebu City. Ipinaaabot din natin ang pasasalamat grupo sa paggawad sa inyong lingkod ng Trauma Informed Care Advocate Award.

Maraming salamat at mabuhay kayong lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here