Home OPINION SAUYO VAN TERMINAL, LIGAL O ILIGAL?

SAUYO VAN TERMINAL, LIGAL O ILIGAL?

ISA sa maituturing na nagpapasakit sa ulo ng mga lider ng pamahalaan ay ang sektor ng transportasyon dahil sa ‘di nasolusyonang trapiko at samu’t saring problema na dulot nito.

Dahil bahagi nang araw-araw na buhay, wala naman talaga tayong magagawa kundi maghanap at  gumawa ng paraan kung paano matutugunan ang mga problemang nagmumula sa sektor na ito.

Kailangan lang siguro ang pagkakaisa ng pamahalaan – ng local government units at  mga transport group para magkaroon ng collective effort na pagsagot sa problema, gaya ng problema sa lumalalang trapiko.

May mga existing na batas o ordinansa naman ang mga LGU na kung isinasapuso ang pagpapairal ng local enforcers at susunod naman ang transport groups kaya tiyak na walang pinag-uusapang traffic problem.

May alituntunin at regulasyon din ang LGUs hinggil sa mga tamang lugar na dapat ilagay ang transport terminal para maiwasan ang dulot nitong mga problema na may kinalaman sa daloy ng trapiko.

Isa kasi sa sanhi ng buhol buhol na trapiko ay yaong mga kalsada o open space na ginagawang illegal terminal kung saan humihimpil, nagbababa at nagsasakay ang mga transport vehicle.

May mga transport group din na tuwirang lumalabag sa umiiral na batas o ordinansa pero hindi mo naman masabing iligal ang kanilang terminal dahil may nakadisplay at ipinakikitang permit.

Gaya nitong Sauyo Transport na may terminal ng van sa Quirino Highway, Novaliches na kompleto ang permit pero nilalabag ang QC 442, S-96, ordinansa sa regulasyon at issuance ng permit sa transport terminals.

Ang van terminal na ito, halos 15 metro lang ang layo sa traffic light ng Nova Proper,ay nilabag ang ‘section 2, b’ ng ordinansa na nagsasaad na dapat ay 100 meters ang layo ng transport terminal mula sa traffic light.

Makikita sa gilid ng Villarica at Korean grocery, ang nasabing transport terminal ay kinukwestiyon ng business establishment owners sa paligid kung bakit nabigyan ng permit gayong may nilabag na ordinansa.

May nilalabag na ordinansa pero nakakuha ng permit.  Ang tanong – ligal ba o iligal ang Sauyo Transport terminal? Ang ating kaibigang Department of Public Order and Safety chief Elmo San Diego ang makasasagot niyan. Abangan!