Home OPINION PAG-UUSAP NG PINAS, CHINA DAPAT LANG

PAG-UUSAP NG PINAS, CHINA DAPAT LANG

DAPAT lang na mag-usap ang Pilipinas at China ukol sa mga sigalot sa pagitan ng mga ito.

Ang totoo, hindi lang iringan sa karagatan sa West Philippine Sea ang problema.

Problema rin ang mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Nagaganap na ang mga pag-uusap sa pagitan ng mga opisyal ng pamahalaang Pinas at China.

PAG-UUSAP AT PAGBABALIK NG TIWALA SA ISA’T ISA

Ukol sa sigalot sa karagatang WPS, nagharap sina Philippine Foreign Affairs Undersecretary Ma. Theresa Lazaro at Chinese Vice Foreign Minister Chen Xiaodong.

Ayon kay Usec. Lazaro, sa kabila ng magkaibang interes na dala ng Pinas at China, kinakailangan pa rin ang mga malinaw at tapat na pag-uusap upang humupa ang iringan at maiwasan ang kaguluhan o sakitang nagaganap sa karagatan sa pagitan ng mga Pinoy at Tsino.

Matatandaang nitong Hunyo 17, nagkaroon ng mga banggaan ng mga sasakyang pandagat malapit sa Ayunging shoal at doon nasugatan at naputulan ng isang daliri ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard at may pananaksak ng mga Chinese Coast Guard sa rubber boat ng PCG at pagsamsam ng una sa dalang baril ng huli, bukod sa pagwasiwas din una ng mga palakol at panaksak.

Sa mga pag-uusap at pagkikita-kita, inaasahang mapanumbalik ang pagtitiwala sa isa’t isa at mahanapan ng solusyon ang mga sigalot at dapat umanong magpatuloy ang gawaing ito.

Pangunahing dahilan ng sigalot dito ang claim ng China na pagmamay-ari nito ang malaking bahagi ng karagatang itinuturing namang exclusive economic zone ng Pilipinas.

POGO AT ORGANIZED CRIME

Pinangunahan naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pakikipagpulong kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ukol sa POGO.

Napag-usapan ng magkabilang panig kung paano kontrolin ang mga pagtatayo ng POGO na karamiha’y itinatayo ng mga Chinese national sa Pilipinas.

Ang may halong organisadong krimen sa mga POGO ang pinagtuunan ng pansin ng mga nag-usap sa kabila ng ng pagkakaiba ng trato sa POGO mismo.

Sinasabi ng China na dapat buwagin lahat ang POGO sa Pinas na hawak at itinatayo ng mga Chinese national dahil ipinagbabawal ng gobyernong China ang pasugalang ganito.

Sa kabilang banda, inuuri naman ng Pinas ang mga POGO na ligal at iligal.

Ang mga iligal, karaniwang may mga halong krimen gaya ng pagpatay, prostitusyon, droga, pandurugas gamit ang internet at iba pa.

Pinag-usapan nang husto kung paano magtulungan ang dalawang pamahalaan hindi lang sa pagbuwag ng mga POGO kundi maging sa pagpigil sa anomang itatayong POGO ng Chinese nationals, lalo na ang mga may halong krimen at iligal.

Ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pangunahing ahensya ngayon ng gobyerno na naatasang umaksyon sa lahat ng mga POGO na may iligal at kriminal na gawain.

MGA SULSOL IITSAPWERA

Maganda namang isama sa mga usapan, lalo na sa problema sa karagatan, ang mga sulsol sa pagpapalala ng iringan at komprontasyon.

Hindi dapat bigyan ang mga ito ng pinakamapagpasyang papel sa relasyong Pinas at China dahil mapapahamak lang ang mga Pinoy higit sa lahat.