MANILA, Philippines – Nasagip ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang Chinese National matapos itong dukutin at sapilitang ikulong ng kanyang kababayan dahil sa pagkakautang sa casino.
Sa press conference nitong Biyernes, kinilala ni MPD Director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay ang biktima na si Luo Jing alyas Jun Cheng, 31, computer technician, residente ng Coast Residence, Pasay City.

Si Cheng ay nasagip makaraang humingi ng saklolo sa pulisya ang mga kaibigan nito kaugnay sa pagdukot sa kanya ng naarestong suspek na si Song Peng Ren alyas Luo Jie, 35, na isang translator/manager at casino financier.
Sa imbestigasyon, sapilitang isinama ng grupo ng Chinese national si Cheng habang naglalaro ng Casino games sa Xi Lai Deng Casino sa Adriatico Square na matatagpuan sa Gen. Malvar St, panulukan ng Adriatico St., sa Ermita, Manila.
Ayon sa mga kaibigang kapwa Tsino, pinautang umano ni Luo Jie si Cheng ng P200,000 ngunit aabot sa halagang P500,000 ang magiging kabayaran kasama na ang interes.







