MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng pagtaas sa volcanic gas emissions sa Bulkang Taal nitong Huwebes, Hulyo 11.
Sa abiso, sinabi ng PHIVOLCS na nasa kabuuang 11,745 tonnes ng volcanic sulfur dioxide o SO2 gas emission ang naitala mula sa main crater ng Taal.
Ito ay halos doble sa naitalang average na 7,777 tonnes per day ng SO2 ngayong taon.
Nagkaroon din ng moderate to voluminous plumes na mahigit 2,400 metro ang taas sa ibabaw ng main crater.
Dahil sa posibilidad ng mahinang hangin, posibleng makaranas ng volcanic smog o vog formation ang mga lugar malapit sa Bulkang Taal.
Nagpaalala naman ang PHIVOLCS sa publiko na ang pagkalanghap ng volcanic gas ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan at respiratory tract, at lubhang delikado para sa vulnerable individuals.
Nananatiling nasa Alert Level 1 ang babala sa Bulkang Taal. RNT/JGC