MANILA, Philippines – Patay ang dalawang lalaki habang sugatan ang apat na pulis na kinabibilangan ng dalawang opisyal matapos ang engkwentro nang silbihan sana ng warrant of arrest sa Maynila.
Kinilala ang mga sugatang pulis na sina PLt. Col. John Guiagii na hepe ng MPD District Intelligence Division, MPD-SMaRT Chief, P/Maj. Dave Apostol, PMSg Julious Omolon at PCpl Keith Paul Valdez.
Sa imbestigasyon, magsisilbi lang sana ng warrant ang mga pulis kasama ang mga tauhan ng MPD Station-1 laban sa target na si Archie Juco na mas kilala sa alyas RJ Bata at isang alyas Macmac na pawang mga miyembro ng Alcantara Criminal Group.
Imbes na sumuko, tumakbo paakyat ng kanilang bahay at tumalon sa mga bubong ng kapitbahay sa Pinoy St. Barangay 145, Balut, Tondo saka nagsimulang magpaputok ang mga suspek sa mga pulis na kapwa sugatan.
Dito na gumanti ng putok ang mga operatiba kaya napatay ang dalawang suspek habang dinala sa magkakaibang hospital ang mga sugatang pulis kung saan si Apostol ay tinamaan ng bala sa tuhod habang sa kamay naman si Guiagui.
Ang mga suspek ay sangkot umano sa gun for hire at kalakalan ng droga sa Maynila kung saan ang target na si Juco ay sangkot sa pagpatay o murder kaya sinilbihan ng warrant of arrest. Jocelyn Tabangcura-Domenden