Home NATIONWIDE Quiboloy nasa Pinas pa – Abalos

Quiboloy nasa Pinas pa – Abalos

162
0

MANILA, Philippines- Nasa bansa pa rin ang puganteng si televangelist Pastor Apollo Quiboloy, tumatayong lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at isang self-proclaimed “appointed son of God.”

“There is always a lot of possibility na maaring kung saang parte sila ng mundo, pero sa aming nakikita sa ngayon, nandiyan lang ‘yan. Nandito lang ‘yan sa Pilipinas,” ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

“We will assure you this. Lumiliit na ang Pilipinas para sa kanila. Ganyan gumalaw ang pulis, ang military. Saan ka na magtatago niyan? Ang taumbayan pa,” dagdag na wika nito.

Hinamon ni Abalos si Quiboloy na harapin sa korte ang mga kaso laban sa kanya, kabilang na ang child at sexual abuse at human trafficking.

“Pastor, alam ko naman na you have your reasons. Sinasabi mo you’re innocent. Just surrender. I-present mo ito sa court of law. This is the time to present your evidence and your lawyers,” anang opisyal.

“We have procedures in court. At kung sakali naman, merong appeal ito. Ito ay ginawa ng ating mambabatas to make sure na talagang tama ang proseso ng hustisya sa ating bansa at lahat dapat ay sumunod dito,”patuloy nito.

Nauna rito, P10 milyong pabuya ang inialok para sa anumang impormasyon na magreresulta sa pagkakaaresto kay Quiboloy.

Maliban kay Quiboloy, P1 milyon kada isa naman ang ibibigay sa makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa mga kapwa akusado ni Quiboloy.

Napaulat na naaresto na ng mga awtoridad ang isang kapwa akusado ni Pastor Apollo Quiboloy na kinilalang si Paulene Canada.

Sa isang press conference nitong Biyernes, Hulyo 12, inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na naaresto si Canada sa Davao City nitong Huwebes, Hulyo 11, dakong ala-1 ng hapon, sa bisa ng isang warrant of arrest.

Isang hindi nagpakilalang caller umano ang tumawag sa kanilang hotline upang i-report sa pulis na nakita raw niya ang isang babaeng kamukha ng poster ni Canada na inilabas ng mga awtoridad kamakailan.

Ayon kay Abalos, ang naturang tip ng anonymous caller ang nakatulong upang matunton at mahuli si Canada sa isang bahay halos dalawang kilometro ang layo mula sa regional police headquarters.

Sa kabilang dako, kinuwestiyon naman ni Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Quiboloy ang motibo ng mga pribadong indibidwal sa pag-alok ng pabuya.

Bilang tugon, sinabi ni Abalos na taong 2018 nang mag-alok si Topacio ng reward para sa makapagbibigay ng impormasyon na magiging daan para maaresto ang ilang indibidwal.

Sa halip aniya na kuwestiyunin ang reward, nanawagan si Abalos kina Topacio at dating presidential spokespersons Harry Roque at Salvador Panelo, na payuhan si Quiboloy na sumuko.

Sina Roque at Panelo ay kapwa nagsilbi sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na malapit na kaibigan ni Quiboloy.

Ipinalabas ang arrest warrants laban kay Quiboloy at iba pa para sa umano’y paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, at Discrimination Act and Republic Act No. 9208 o Qualified Human Trafficking.

Nagtago si Quiboloy matapos na magpalabas ng arrest order ang Senado laban sa kanya para sa pagtanggi nitong dumalo sa pagdinig sa Senado.

Nagsagawa ng pagsalakay ang kapulisan sa ilang properties ng KOJC sa Davao City, Samal Island, at Sarangani para isilbi ang arrest warrants sa kontrobersyal na si Quiboloy subalit wala ring nangyari. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here