MANILA, Philippines – Magsasagawa ng mass CPR demonstration sa National CPR Day sa Hulyo 17 ang Philippine Red Cross (PRC) upang maisulong ang kahalagahan ng Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) sa pagliligtas ng mga buhay at palakasin ang panawagan nito para sa mas maraming first aider.
Sa Proclamation 551 idineklara ang ika-17 ng Hulyo bilang National CPR Day.
“We are committed to strengthening our call to have at least one first aider in every household or workplace. We have two million volunteers nationwide, but no first responder can respond as quickly as a neighbor, a family member, or a co-worker. When that person knows first aid, further injuries and loss of lives can be averted,” sabi ni Red Cross chairman Dick Gordon.
Ang simultaneous CPR demonstration ay maa-access sa pamamagitan ng Facebook page ng PRC at Zoom kung saan matututo ang mga kalahok kung paano magsagawa ng CPR.
Matutuklasan din nila kung paano gumawa ng improvised CPR manikin mula sa mga recyclable na materyales.
Bukod sa CPR demonstration at awareness campaign, nakatakdang pangasiwaan ng PRC ang mas maraming aktibidad na pang-edukasyon at puno ng kasiyahan sa online at sa lupa sa pakikipagtulungan sa 102 chapters nito sa buong bansa.
Ang mga pagsisikap na ito ay bilang pagsuporta sa pagpapatupad ng RA 10871, isang batas na nagbibigay sa mga mamamayan ng kinakailangang kaalaman at kasanayan upang tumugon sa ilang mga emergency sa kalusugan. Jocelyn Tabangcura-Domenden