Home NATIONWIDE PBBM sa mga residente ng Aurora: PH gov’t handa sa tag-ulan

PBBM sa mga residente ng Aurora: PH gov’t handa sa tag-ulan

MANILA, Philippines- Nakahanda ang gobyerno sa posibleng epekto ng panahon ng tag-ulan sa lalawigan ng Aurora.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Biyernes, sa mga residente ng nasabing lalawigan.

Personal na binisita ng Pangulo ang Aurora province para mamahagi ng presidential assistance sa mga magsasaka, mangingisda at kanilang pamilya.

Tinatayang mahigit P180 milyonh halaga ng relief supplies ang inilaan para sa Gitnang Luzon.

”At ngayon naman, na paparating na ang tag-ulan, nakahanda na rin po ang inyong pamahalaan sa anumang magiging epekto nito. Mayroon na tayong naka pre-position na relief supplies na nagkakahalaga ng higit isandaan [at] walumpung milyong piso para sa buong Region 3,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

Nauna rito, buwan ng Mayo nang pormal na ideklara ng PAGASA ang pagsisimula ng rainy season o panahon ng tag-ulan sa bansa.

Sinabi ng PAGASA na may dalawa hanggang tatlong tropical cyclones ang inaasahan na papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong buwan.

Sa kabilang dako, binanggit ng Punong Ehekutibo na kumpleto na ang Aguang flood control project para pagaanin ang epekto ng pagbaha sa Aurora, lalawigan na mandalas na hagupitin ng mga bagyo.

”Natapos na rin ang Aguang River Flood Control Structure Project sa Baler. Ito po ay makakatulong upang mapigilan ang matinding pagbaha at malaking pinsala na dulot ng pag-apaw ng Aguang River,” ayon kay Pangulong Marcos.

Samantala, sa naturang event, itinurn-over naman ni Pangulong Marcos ang farm machinery sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, layon nitong palakasin ang ‘agricultural efficiency’ sa Aurora. Nagbigay din ito ng P10,000 kada isa sa 10 piling benepisaryo mula sa lalawigan.

Dagdag pa rito, nakatanggap naman ang provincial government ng Aurora ng P10 milyon para suportahan ang local development projects na naglalayong ayusin at paghusayin ang kalidad ng buhay sa lalawigan at magbigay ng limang kilo ng bigas sa bawat attendee. Kris Jose