MANILA, Philippines – Dalawang indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation -Specila Task Force (NBI-STF) sa Quezon City dahil sa pagbebenta ng nawawalang Amorsolo painting.
Sinabi ni Director Jaime B. Santiago na nakatanggap ng impormasyon ang NBI-STF na ang isang “Atty. Ching” ay nagbebenta ng naturang obra.
Ayon sa suspek, maaari niyang dalhin ang 1936 Mango Harvesters, ang painting ng national artist na si Fernando Amorsolo, sa posibleng mga buyers na mabebenta lamang ng P3.5 milyon.
Idinagdag pa ni Santiago na ayon sa Bacolod City Police, ang sikat na Amorsolo painting ay ninakaw ng dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal mula sa HofileƱa Museum sa Silay City, Negros Occidental noong umaga ng Hulyo 3, 2024.
Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng NBI-STF sa ilalim ng superbisyon ni Director Santiago.
Hulyo 11, nagtungo ang mga operatiba ng NBI sa target area sa Tomas Morato, Quezon City kung saan ang bentahan ng Amorsolo painting.
Dito na idiniliver ang Amorsolo painting ng mga suspek na nakilala bilang sina Ritz Chona Ching y Castro at Donecio Somaylo y Escobia ayon na rin sa utos ni Atty. Ching.
Nang makumpirma na ang dalang obra ng mga suspek ay ang nawawalang Amorsolo painting, agad na inaresto ng NBI-STF sina Castro at Escobia. Jocelyn Tabangcura-Domenden