Home NATIONWIDE DFA chief tikom-bibig sa pagtinta sa Pax Silica deal

DFA chief tikom-bibig sa pagtinta sa Pax Silica deal

1
0

MANILA, Philippines – Wala pang kumpirmasyon kung lalagdaan ang kasunduan sa kontrobersyal na Pax Silica initiative sa pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas para sa 49th ASEAN Summit.

Umiwas magbigay ng tiyak na sagot si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro nang tanungin sa press conference nitong Lunes, Nobyembre 16, tungkol sa posibleng paglagda sa kasunduan.

Ayon kay Lazaro, kailangang hintayin muna ang mga pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos bago magbigay ng detalye tungkol sa mga kasunduang diplomatiko.

Nauna nang nilinaw ni US Ambassador Lee Lipton na walang nakatakdang malaking anunsyo tungkol sa Pax Silica sa ASEAN Summit at anumang desisyon ay gagawin sa konsultasyon sa pamahalaan ng Pilipinas.

Batay naman sa pahayag ng Malacañang noong Nobyembre 4, nakapagbigay na ang Office of the Executive Secretary ng gabay sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) para sa negosasyon at pagsasapinal ng framework agreement.

Hinihintay pa noon ng Pilipinas ang tugon ng US sa draft agreement.

Target pa rin ng Department of Trade and Industry (DTI) na malagdaan ang kasunduan bago matapos ang 2026, bagama’t wala pang itinakdang petsa.

Ang Pax Silica ay isang US-led initiative na naglalayong palakasin ang supply chains para sa mahahalagang teknolohiya at mineral. Kabilang sa mga plano ang pagtatayo ng advanced manufacturing hub sa New Clark City, Tarlac.

Samantala, naglunsad ng mga protesta ang ilang estudyante at progresibong grupo laban sa proyekto at pagbisita ni Trump, sa gitna ng mga pangamba tungkol sa posibleng epekto nito sa mga komunidad at kalikasan.

Inaasahang darating si Trump sa Pilipinas sa Martes, Nobyembre 17, para sa ASEAN-US Special Summit. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here