MANILA, Philippines – Binabantayan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga social media post na posibleng naghihikayat ng karahasan kaugnay ng mga protesta habang idinaraos sa Pilipinas ang 49th ASEAN Summit.
Ayon sa CICC, may natukoy na itong mga indibidwal na nag-post umano ng mga mensaheng maaaring mag-udyok ng karahasan o kaguluhan.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na sinusuri pa ang kredibilidad ng mga nasabing post bago magpasya sa mga susunod na hakbang.
Binigyang-diin ni CICC Executive Director Renato Paraiso na kinikilala ng pamahalaan ang karapatan ng publiko sa malayang pagpapahayag, mapayapang pagtitipon at paghahain ng hinaing laban sa gobyerno.
Ngunit iginiit niyang hindi dapat gamitin ang mga karapatang ito upang mag-udyok ng karahasan o magbanta sa kaligtasan ng publiko.
Nakikipag-ugnayan na rin ang CICC sa mga kaukulang ahensya at law enforcement units upang matukoy ang mga maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas.
Kasabay ito ng mga protestang isinagawa sa Metro Manila kaugnay ng ASEAN Summit, kung saan mahigit 200 demonstrador ang inaresto ng pulisya noong Linggo, Nobyembre 15.
Kinondena naman ng ilang organisasyon ang mga pag-aresto at ang umano’y marahas na dispersal ng mga demonstrador.
Pinaalalahanan ng CICC ang publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon online at umiwas sa pagpapakalat ng mga mensaheng maaaring magdulot ng karahasan o panganib sa mga kalahok sa pagtitipon. Dave Medina