Home NATIONWIDE Prosekusyon, wala pang balak magdagdag-ebidensya vs VP Sara 

Prosekusyon, wala pang balak magdagdag-ebidensya vs VP Sara 

1
0

MANILA, Philippines – Hindi pa nakikita ng House prosecution panel ang pangangailangang magharap ng karagdagang ebidensya upang sagutin ang mga testigo ng depensa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecution counsel Benjamin Tolosa Jr., kumpiyansa ang kanilang panig sa mga ebidensyang naipresenta na sa Senate impeachment court.

Sa mga panayam, sinabi ni Tolosa na wala pa silang nakikitang dahilan upang humiling ng pagkakataong magharap ng rebuttal evidence.

Binigyang-diin niyang nananatili ang kanilang paniniwalang sapat ang naihain nilang kaso laban sa Bise Presidente.

Partikular na tinukoy ni Tolosa ang naging testimonya ni Island Garden City of Samal Assessor John Kenneth Enumerables, na hindi umano nakapagpatunay nang may katiyakan na ang lupang tinukoy ng Register of Deeds ay kapareho ng ari-ariang nakadeklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.

Samantala, kinuwestyon din ni House prosecutor Rep. Terry Ridon kung kayang pabulaanan ng mga susunod na testigo ng depensa ang mga natuklasan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kaugnay ng mga transaksyong iniuugnay sa mag-asawang Duterte at Manases Carpio.

Nauna nang iniharap ng prosekusyon ang mga dokumento at financial records na umano’y nagpapakita ng hindi bababa sa P817.87 milyon na unexplained wealth at undeclared assets mula 2022 hanggang 2025.

Itinanggi naman ni Duterte ang mga paratang, habang kinukuwestyon ng kanyang mga abogado ang ebidensya ng prosekusyon.

Article II, na tumatalakay sa umano’y unexplained wealth, na lamang ang natitirang impeachment charge laban sa Bise Presidente.

Inaasahang magpapatuloy ang paglilitis sa Nobyembre 19 at 20 para sa pagharap ng mga karagdagang testigo ng depensa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here