Home NATIONWIDE Tarriela kinontra Chinese professor sa pag-angkin sa Ayungin Shoal

Tarriela kinontra Chinese professor sa pag-angkin sa Ayungin Shoal

1
0

MANILA, Philippines – Mariing kinontra ni Philippine Coast Guard (PCG) Rear Admiral Jay Tarriela ang pahayag ng isang Chinese academic na ilegal umanong inokupahan ng Pilipinas ang Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.

Naganap ang palitan ng pahayag sa Manila Dialogue on the South China Sea nitong Lunes, Nobyembre 16, matapos igiit ni Dr. Zheng Zhihua ng Shanghai Jiao Tong University na halos tatlong dekada nang inokupahan ng Pilipinas ang itinuturing niyang teritoryo ng China.

Ayon sa ulat, ipinagtanggol ni Zheng ang paggamit ng China ng water cannon laban sa mga barko ng Pilipinas bilang paraan umano ng pagprotekta sa teritoryo nito.

Agad naman itong kinontra ni Tarriela, na iginiit na walang territorial jurisdiction ang China sa Ayungin Shoal, na kilala rin bilang Second Thomas Shoal.

Binigyang-diin ng opisyal na nasa humigit-kumulang 125 nautical miles lamang mula sa Palawan ang bahura at sakop ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Muling kinuwestyon ni Zheng ang posisyon ng Pilipinas at inakusahan ang bansa ng pagiging mapili sa paggamit ng EEZ claims.

Sa ilalim ng 2016 arbitral ruling, kinilala ang Ayungin Shoal bilang low-tide elevation na matatagpuan sa EEZ at continental shelf ng Pilipinas.

Nilinaw din ng arbitral tribunal na walang legal na batayan ang China upang umangkin ng maritime zones sa lugar. Bilang low-tide elevation, hindi rin maaaring maging hiwalay na teritoryong pag-aari ng isang bansa ang bahura.

Mula noong 1999, nakapuwesto sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre, isang barko ng Philippine Navy na nagsisilbing himpilan ng mga sundalong Pilipino.

Patuloy namang tinututulan ng China ang 2016 arbitral ruling, sa kabila ng pagiging legally binding nito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here