MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa P7.8 milyon ang nakumpiskang iligal na droga na katumbas ng 1.1 kilo sa buy bust operation sa isang bahay sa Sampaloc, Maynila nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 12.
Naaresto naman sa operasyon ang isang lalaki na nagbebenta ng hinihinalang illegal na droga na nakilalang si Richmon Brown y Soriano, 33 anyos.
Ayon kay PLtCol. Brillante Billaoac, ang Station Commander ng Sampaloc Police Station, ito na ang pinakamalaking nakuhang illegal na droga ng Manila Police District (MPD) ngayong taon.
Isang buwan din umanong pinlano ang operasyon laban sa suspek na patuloy pang inaalam ng mga operatiba ang kanyang background.
Sinabi ni Billaoac na base sa record sa illegal drugs operation sa MPD, ito ang pinakamalaking accomplishment sa ngayon sa illegal drugs.
Inaalam na rin ng pulisya kung may mga kasabwat ang suspek.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa RA No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na kasalukuyan nang nakakulong sa Sampaloc Police Station. Jocelyn Tabangcura-Domenden