TUGUEGARAO CITY, CAGAYAN, Philippines- Dedo ang dalawang indibidwal nang tambangan ng hindi natukoy na gunmen sa bayan ng Gattaran sa lalawigan ng Cagayan nitong Sabado, base sa mga pulis.
Inihayag ni Major Gary Macadangdang, Gattaran police chief, natagpuan umano ng mga lokal ang mga bangkay ng mga biktima sa Sitio Padungsul sa Barangay Basao ng alas-12:30 ng hapon.
Kinilala ang isa sa mga nasawi na si Juanito Dela Cruz, 63, ng Aparri, Cagayan. Ang isa pang biktima ay isang babae na hindi tinukoy sa ulat subalit inilarawang nakasuot ng itim na striped blouse at itim na silk pants na may puting ball cap. Hindi binanggit sa ulat kung bakit hindi pinangalanan ang biktima.
Natagpuan ang labi ni Dela Cruz sa loob ng nakaparadang sasakyan habang nadiskubre ang bangkay ng babae sa isang creek, halos 50 metro ang layo mula sa sasakyan.
Ani Macadangdang, posibleng kilala ng mga biktima ang mga suspek dahil maayos ang pagkakaparada ng sasakyan sa gilid ng kalsada.
Batay sa mga saksi, napansin nila ang nakaparadang sasakyan bago mag-tanghali subalit hindi nila nakita kung sino ang bumaril sa mga biktima dahil malayo sila sa crime scene.