MANILA, Philippines- Tatlong indibidwal, kabilang ang isang Grade 12 student, kapwa mga suspek sa pamamaril sa isang Taguig police officer, ang nadakip sa illegal possession of firearms and explosives noong Hulyo 10.
Base sa Taguig Police, naaresto ang tatlo sa Lopez Jaena Street sa Barangay Rizal, Taguig.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Rolly, 27, isang “lechonero”; alyas Raymark, isa ring “lechonero”; at alyas Batista, 17, isang Grade 12 student, kapwa mula sa Barangay Rizal, Taguig.
Noong Hulyo 10, tumawag ang isang indibidwal sa Taguig Police Precinct 2 at iniulat ang presensya ng grupo sa Lopez Jaena Street na mayroong mga armas at hinihinalang granada.
Rumesponde ang Taguig Police sa lugar, kung saan nadiskubre nila sa mga suspek ang dalawang .38-caliber revolvers na may siyam na live ammunition at dalawang hand grenades.
Nasa kustodiya ng Taguig Police ang mga suspek at kakasuhan.
Ayon sa mga awtoridad, sangkot umano ang tatlo sa pamamaril sa isang pulis-Taguig habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.
Noong Hunyo 23, binaril si Patrolman Austine John Austria sa Lopez Jaena Street sa Barangay Rizal. Bago ito, tinangkang hulihin ni Police Chief Master Sergeant Bobby Asuncion ang dalawang kahina-hinalang motorcycle-riding men.
Pinaputukan siya ng isa sa mga suspek at tumakas. Nagpatulong ang pulis kay Austria at isa pa nilang kabaro.
Sumakay si Austria sa motorsiklo ni Asuncion at nagtungo sa Lopez Jaena Street. Nakita niya ang motorsiklong sinakyan ng mga suspek.
Habang sinusuri ang motorsiklo, dumating ang isa pang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki. Tinangkang hulihin ni Austria ang mga suspek subalit binaril siya ng isa sa mga ito, na tumama sa kanyang hita, binti at paa.
Isinugod si Austria SA Ospital ng Makati para magamot.
Noong Hulyo 3, naghain ang Taguig Police ng frustrated murder at attempted murder charges laban sa anim na suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office. RNT/SA