KATHMANDU – Patay ang nasa labindalawang tao habang 65 iba pa ang nawawala sa magkakahiwalay na insidente sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malakas na pag-ulan sa gitnang Nepal nitong Huwebes ng gabi at Biyernes ng umaga, sinabi ng lokal na pulisya.
Noong Huwebes ng gabi, pitong miyembro ng isang pamilya at tatlong iba pa ang namatay sa pagguho ng lupa sa Pokhara ng Kaski district, habang isa pang tao ang namatay sa Madi Rural Municipality ng distrito, sabi ni Basant Kumar Sharma, tagapagsalita ng district police.
Samantala, 65 na pasahero ang nawawala matapos ang dalawang bus ay tinangay ng landslide sa distrito ng Chitwan sa Mugling-Narayanghat stretch ng isang highway na nag-uugnay sa Kathmandu sa iba pang bahagi ng bansa.
Isang bus na may sakay na 24 na pasahero ay patungo sa Kathmandu mula sa Birgunj, habang ang isa naman ay may lulan ng 41 na pasahero ay papunta sa Gaur sa distrito ng Rautahat mula sa Kathmandu.
Sa isa pang insidente, isang driver ng isa pang bus ang nasawi matapos siyang tamaan ng nahulog na malaking bato sa Chitwan sa parehong kahabaan ng highway.
Ang Punong Ministro ng Nepali na si Pushpa Kamal Dahal ay nag-utos sa mga pwersang panseguridad na pabilisin ang mga pagsisikap sa pagsagip.
Ang mga pagbaha, mudslide, at pagguho ng lupa na dulot ng malakas na pag-ulan ay karaniwan sa Nepal sa panahon ng tag-ulan na karaniwang tumatagal mula kalagitnaan ng Hunyo hanggang unang bahagi ng Oktubre. RNT