MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na nagsasagawa ng clearing operations ang gobyerno para sa 49th Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa susunod na linggo para tiyakin ang seguridad ng mga world leaders na dadalo sa nasabing event.
“May clearing kasi ito ay usapin pang siguridad, security po ang pinag-usapan natin dahil halos 20 heads of state ang pupunta sa atin at ito ay parte ng pagprepara para sa seguridad ng ating mga bisita,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa ulat, pansamantalang ipinagbabawal ang pagtitinda ng mga street vendor sa ilang bahagi ng Roxas Boulevard at mga kalapit na lugar sa Parañaque City.
Base sa initial assessment, 30 vendor ang nawalan ng kita sa nasabing lugar, na nauna nang binigyan ng family food packs; habang nakikipag-ugnayan na rin ang DSWD – NCR sa Pasay City Local Government Unit at Social Welfare and Development Office, para sa mas mabilis na pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong vendor.
Sinabi ni Castro na ang mga pinoy, partikular na ang business owners, ay makikinabang mula sa summit dahil magbubukas naman ito ng ilang oportunidad.
“Magbubukas ng maraming oportunidad para sa mamayang Pilipino ang pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN Summit,” Castro said, adding that, “Partikular na makikinabang sa summit ang negosyo, kalakalan, pamunuhunan, trabaho at maayos na supply ng pagkain at enerhiya sa Pilipinas.”
Hinikayat din niya ang mga Filipino na isatinig ang kanilang sentimyento bago o matapos ang ASEAN Summit—at hindi habang isinasagawa ang event.
“Ang hiling lang naman, kayo ay may panahon, marami kayong panahon kung anong gusto niyo sabihin sa gobyerno,” ayon kay Castro.
“Mas maganda po sana kung hindi itapat ito sa pagdating ng ating mga bisita. Ipakita natin ang tunay na kagandahang ugali ng mga Pilipino,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, hinikayat naman ng ASEAN Organizing Council ang mga Filipino na igalang ang foreign delegates na inaasahang darating sa bansa para sa 49th ASEAN Summit.
Ang summit ay naka-iskedyul sa Nobyembre 16 hanggang 18 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Samantala, nag-anunsyo naman ang transport group na PISTON ng one-day transport strike sa Nobyembre 16, ang pagbubukas ng summit, plano ng mga ito na salubungin ang presensiya ni US President Donald Trump sa bansa.
Tiniyak ni Castro na tutugunan ng gobyerno ng kakailanganing public transportation sa panahon ng protest period. KRIS JOSE