MANILA, Philippines- Pormal na pinagtibay ng Senate Committee on Ethics and Privileges ang mga bagong panuntunan sa paghawak ng ethics cases na isinasampa laban sa mga miyembro ng Upper Chamber.
Sa isang panayam sa media kasunod ng pagpupulong ng organisasyon at pag-apruba ng mga patakaran ng komite noong Miyerkules, sinabi ng tagapangulo ng panel na si Senator Francis ‘Tol’ Tolentino na ang pinagtibay na mga patakaran ay kabibilangan ng proseso ng pagkakasundo.
“This will allow senators involved in an ethics complaint to meet and resolve issues privately, in the presence of the committee chair and its members,” paliwanag ni Tolentino.
“This is the first time that we have a rule on conciliation,” dagdag ng senador na nagsabing ang bagong panuntunan ay magiging epekto, 15 araw matapos i-publish sa newspaper na may national circulation o Official Gazette.
Sinabi ni Tolentino na nauunawaan niya na minsan, ang mga senador ay nakapagbibigkas ng mga salita sa taas ng passion o pagsabog ng emosyon.
Ngunit naniniwala si Tolentino na lahat ay pinahahalagahan ang paggalang at karangalan, na nangangahulugan na maaari ding ayusin ang mga pagkakaiba sa isang palakaibigan at maayos na paraan.
May dalawang usapin na inihain sa komite, ayon kay Tolentino.
Ang una ay ang liham ni Senator Raffy Tulfo na humihiling sa komite na maglabas ng advisory opinion kung maaari siyang mag-endorso ng mga produkto.
Ang pangalawa ay ang ethics complaint na inihain ni Senator Nancy Binay laban kay Senator Alan Peter Cayetano.
“Positive naman ako na magkakaayos sila (Binay at Cayetano) dahil mararangal na tao naman ang mga kausap ko, at naiintindihan nila ang kahalagahan ng pag uusap,” sabi ni Tolentino.
Sa ilalim ng mga panuntunan ng Senado, ang komite ng etika ay inaatasan na pangasiwaan ang lahat ng bagay na may kaugnayan sa pag-uugali, karapatan, pribilehiyo, kaligtasan, dignidad, integridad at reputasyon ng Senado at ng mga miyembro nito. RNT