KUNG hindi ako nagkakamali ay ganitong mga panahon din bago ang 2022 elections nagsimulang maglabasan ang negatibong mga ulat laban sa mga Malapitan ng Caloocan City.
Iba’t ibang paninira ang ipinaparatang sa noo’y alkalde ng Caloocan na si Mayor Oscar ‘Oca” Malapitan at 1st District Rep. Dale ‘Along’ Malapitan gamit ang kaso sa korte para magmukhang lehitimo ang mga ibinabatong isyu.
Sa mga nauna pang elections ay ganitong-ganito na ang senaryo na biglang may sumusulpot na nagsasampa ng kaso laban sa mga Malapitan na hindi naman maitatagong pawang kalaban sa pulitika sa lungsod.
Naulit na naman ang mga pangyayari nitong Hulyo 16, araw ng MIyerkoles, nang sumulpot si dating Caloocan City Mayor Rey Malonzo sa Office of the Ombudsman at ipinagharap ng reklamo ang city’s 1st District Representative.
Para sa kaalaman ng Kabataan, si Malonzo, three-term mayor mula 1992, ay ilang beses nagtangkang bumalik sa puwesto subalit laging “olats” kaya alam ko na gets nyo na kaagad dear readers ang kanyang motibo.
Ang reklamo ni Malonzo ay nilulumot na isyu dahil nabigyan na ng clearance si Rep. Oca nguni’t muling hinugot sa lumang baul para sa muling pagbuhay sa “demolition job” ng mga hirap maka-move on na talunang politiko.
Sina Malonzo, ex- Mayor Recom Echiverri at dating Rep. Egay Erice ay mga kilalang political personalities sa lungsod na ilang beses tinangka ang pinakamataas na puwesto sa city hall pero hindi pinalad dahil pinili ng mga batang Kankaloo ang mga Malapitan.
Ilang araw pa lamang ang nakakaraan, ‘di natin alam kung sino ang nagtulak sa kumunoy, este nag-udyok kay dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes na muling lumangoy sa pulitika dahil nagdeklara na itong tatakbo sa pagka-alkalde ng Caloocan sa darating na May 2025 midterm elections.
Sa resulta ng pinakahuling survey ng isang reputable pollster, kumain ng alikabok sa milya-milyang layo ng agwat ng dating coup leader sa nakuhang 9 porsiyentong rating kumpara sa 85 % ni Mayor Along.
What else is new? Nagsimula na ang gibaan sa Caloocan. Demolition job pa more sa mga Malapitan, pero ika nga ng kasabihan – “You can never put good men down”.






