HINDI lang ang Philippine National Police ang nagsabi na handa na ang lahat kaugnay sa kapayapaan at kaayusan ng paligid ng Batasang Pambansa Complex sa Quezon City subalit maging ang mga miyembro ng House of Representatives ay nagpahayag na ng seguridad kaugnay sa kanilang kahandaan sa loob ng kanilang nasasakupan kung saan doon gagawin ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Upang makasiguro na walang panganib sa daraanan pa lang ng mga magsisidalong personalidad sa SONA ni Pangulong Marcos, magpapatupad ang PNP ng gun ban sa Hulyo 22, Lunes.
Ano nga ba ang inaasahan ng mga mamamayan sa 3rd SONA ni Pangulong Bongbong?
Nais mabatid ng mga Pinoy ang estado nang mga naunang ipinangako ni Pangulong Marcos sa mga mamamayang Pilipino lalo na ang mahihirap.
Siyempre, ang mga nakaabang sa mga pangyayari sa West Philippine Sea ay umaasang maghahayag ang Pangulo ng kanyang nakatakdang gawin o pla no sa teritoryo ng Pilipinas na pilit inaangkin naman ng China. May umaasa na ang hakbang ng Pangulo ay magiging daan upang umatras ang China sa kanilang ginagawang pang-aagaw ng teritoryo subalit may umaasa na sana ay kunin sa maayos na pag-uusap ang anomang dapat na pagkasunduan ng dalawang bansa.
Pwera pa rito ang balitang nais mabatid ng mga Pilipino kaugnay sa hanggang saan nga ba ang pag-ayuda o pagkampi ng United States sa atin sa usapin ng kapayapaan at kasarinlan?
Gaano na ba ang naitulong ng Department of Agriculture sa ating mga magsasaka at mangingida? O sa ibang salita ay natulungan ba talaga ng pamahalaan ang ating mga mahihirap na magsasaka at mangingisda na palakasin pa ang kanilang kabuhayan?
Bumaba na ba o mas lalong tumaas pa ang presyo ng mga pagkain tulad ng manok, baboy, baka at mga gulay at prutas? Iyan ay inaasahang kasama sa bibigyang kasagutan sa SONA ni PBBM.
Naisaayos ba ng National Food Authority ang tamang presyo sa pagbili ng palay sa ating mga magsasaka? O hanggang ngayon ay malaki pa rin ang pakinabang ng mga mapagsamantalang mga negosyante na namamakyaw ng palay sa mababang presyo subalit ibinebenta naman sa mataas na halaga kapag naging bigas na.
Para naman sa mga mamamayang ” isang kahig, isang tuka”, sila ba ay nabigyan ng mga programang mag-aangat sa kanila sa kahirapan? May trabaho bang nailaan o naitulong sa ating mga manggagawa? Nabigyan ba ng sapat na taas sa sweldo na kaninang matagal-tagal na ring inaasam?
Naging parehas ba ang Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development sa kanilang pamamahagi ng tulong at ayuda sa mahihirap at maging sa mga displaced/disadvantaged workers? O napabigay lang ang mga tulong sa namahalang opisyal o miyembro ng local government units?
Naisaayos nga ba ang mga pagamutan sa mga lalawigan at nabigyang tulong ba a ng mahihirap na may problema sa kalusugan kaugnay sa kanilang mga sakit? O nagtulug-tulugan lang ang mga opisyal at tauhan ng Department of Health na ang inuuna pa ay ang pagpapalit ng pangalan ng kanilang ahensya.
Ano na ang lagay ng presyo ng langis, kuryente at iba pa? May mga programa ba ang pamahalaan tulad ng Department of Energy kaugnay sa lagay ng serbisyong dapat sana ay hindi taas baba at nagiging problema ng mamamayan?
Maraming katanungan sa isip ng mga mamamayan na naghihintay naman ng tugon o kasagutan ng Palasyo o ng hari ng Palasyo.
Higit sa lahat, inaabangan ang sagot ng Malacañang kaugnay sa mga akusasyon ng ilang retiradong heneral sa inilaang pondo na P20 milyon para sa mga dadalo sa SONA ni Pangulong Bongbong. Ilang libo raw ba ang mga dadalo ay aabot sa gastos na P20 milyon? Kakain lang ba talaga ang mga ito o kaya naman ay lalamon?
Kasi nga, para sa mahihirap na mamamayang nakaantabay sa mga kaganapan, malaking halaga ang inilaan para sa pagkain ng mga dadalong personalidad sa Batasang Pambansa Complex na dapat sana ay inilaan na lang na tulong o ginawang proyekto na lang para sa mahihirap sa halip na ipakain sa mayayamang mga mambabatas, kanilang mga asawa at kamag-anak, mga opisyal ng pamahalaan at iba pang may kaugnayan sa pagbabalitang gagawin ng Pangulo kaugnay sa kalagayan ng bansa at sa kanyang mga natatanging programa at proyektong isasagawa sa mga darating na araw.
Sa ngayon, magandang balita ang hatid ng PNP sapagkat wala naman silang namomonitor na anomang planong panggugulo sa SONA. Nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa iba pang law enforcement agencies para sa mga posibleng banta sa administrasyong Marcos habang hindi bababa sa 22,000 pulis ang nakahanda at 6,000 ang ipakakalat malapit sa BPC kung saan isinasagawa ang taon-taong SONA.






