MANILA, Philippines – Malaki ang paniniwala ni Senador Sherwin Gatchalian na inihahanda ng kampo ni suspended Bamban Mayor Alice Guo ang kanyang “escape plan” pabalik ng China matapos tuluyan nang nalantad ang illegal na gawain nito sa bansa.
Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na lumitaw ang ganitong teorya kahit may ulat ang Bureau of Immigration (BI) na hindi pa umaalis ng bansa si Guo o isang Chinese na si Guo Hua Ping na pawang tunay na pangalan ng alkalde.
“Si Guo Hua Ping, aka Alice Go, matalinong tao siya. Hindi naman siya ordinaryong tao. Marunong rin siya. Kaya, theory ko nga, hawak-hawak niya pa yung kanyang Chinese passport as insurance. Kung kailangan niyang umalis, at least pwede siyang bumalik doon na walang problema dahil Chinese citizen naman siya in the first place,” ayon kay Gatchalian.
Dahil dito, pinayuhang ni Gatchalian si Guo na sumuko sa awtoridad sanhi ng warrant of arrest na ipinalabas ng Senado kasama ang mga kapatid nito.
“Mahihirapan siya magtago ng matagal dahil hindi siya makakalabas ng bahay niya. At alam ng buong bayan kung ano ‘yung itsura niya,” giit niya. Ernie Reyes