MANILA, Philippines – Umabot na sa P3.5 bilyon ang investments na nakuha ng Bangsamoro mula nang magsimula ang 2024, sinabi ni Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Sabado, Hulyo 20.
Tinukoy niya ang pagpapabuti ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon para sa naturang halaga na lampas pa sa target ng BARMM ngayong taon na 42 percent at kabuuang P3.1 bilyong halaga ng investments noong 2023.
Ani Pendatun, nakikita ng mga investor ang potensyal ng BARMM bilang isang investment hub.
“What we were able to record from 2019 to 2023… if you’re going to compare that to the ARMM (Autonomous Region in Muslim Mindanao), triple iyong laki compared to what was generated in 20-plus years of experience or existence noong ARMM,” aniya.
Tumanggap ang rehiyon ng mahiit 558,000 turista at 1,394 sa mga ito ang dayuhan.
“Several years back, parang imposible pong isipin na dadalawin kami ng atin pong mga foreign tourists. But nowadays, they’re showing iyong interest at saka iyong boost doon sa atin pong local economy,” sinabi pa niya.
Noong Abril, nagsimula na ang Bangsamoro Airways sa pag-operate sa rehiyon na nagdadala ng mga pasahero mula Cotabato City, Zamboanga City at Sulu province.
Sa kabila nito, aminado si Pendatun na nananatili pa ring hamon na makahikayat ng mga investor ang rotational power interruptions.
“Iyong mga cities like Cotabato especially kapag privately run iyong mga electric utility naming, okay, walang na-i-experience.”
“Pero iyon iyong common na hinaing ng mga investor at minsan iyong reason din kung bakit hindi tumutuloy gawa noong kapag nakita iyong current picture in terms of power in Mindanao,” dagdag pa niya.
“Malaking cost on their part to sustain iyong business. But hopefully, ma-address ho namin ito.” RNT/JGC