MANILA, Philippines – Upang palakasin ang seaweed production namahagi kamakailan ang Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng mga kagamitang nagkakahalaga ng P34.66 milyon para sa deep-sea seawed farming sa buong Zamboanga Peninsula na layuning mapataas ang produksyon, mapalago ang kita sa mga baybaying komunidad at mapatatag ang posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang kalakalan ng seaweed.
Kaugnay nito binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pangangailangang palawakin ang produksiyon at pagbutihin ang kakayahan ng bansa na makipagkompetensiya sa isang pamilihang kabilang ang Pilipinas sa mga nanguna sa pag-unlad, partikular sa komersiyal na pagtatanim ng red seaweeds gaya ng Kappaphycus.
“Dapat nating pataasin ang seaweed production upang mapakinabangan nang husto ng ating mga baybaying komunidad ang mga oportunidad na kumita, habang pinatitibay ang bahagi ng Pilipinas sa pandaigdigang pamilihan ng carrageenan,” ayon kay Tiu Laurel.
Bunsod nito itinurn-over ang 29 na seaweed nursery system na gumagamit ng raft method o balsa sa Zamboanga del Sur noong Oktubre 13, Zamboanga Sibugay noong Oktubre 15, Lungsod ng Zamboanga noong Oktubre 20, at Zamboanga del Norte noong Oktubre 22.
Kabilang sa proyekto ng DA-BFAR ang 29 na set ng punlaan o nursery sa buong Zamboanga Peninsula na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P34.7 milyon.
Bawat set ay nagkakahalaga ng tinatayang P1.2 milyon at ang mga istruktura ay gawa sa high-density polyethylene (HDPE) na dinisenyo para sa pagtatanim ng seaweed sa malalim na bahagi ng dagat. Kabilang sa mga ipinamahaging kagamitan ang mga propagule o punla , nursery framing, mga suporta para sa angkla, floating system , at mga lambat o holding nets.
Kasama rin sa itinakdang alokasyon para sa 29 na set ang mga materyales para sa pagpapatuyo at pag-iimpake.
Isinasagawa ang pamumuhunang ito habang nagsisikap ang Pilipinas na mabawi ang dati nitong lakas sa isang industriyang minsan na nitong pinamunuan sa buong mundo. Sa kasalukuyan, ikaapat ang Pilipinas sa buong mundo sa produksiyon ng seaweeds. Nalampasan na ng Indonesia ang Pilipinas sa dami ng raw production, habang isa rin ang China sa mahahalagang kakompetensiya ng bansa.
Sa kabila ng pagbabagong ito, nananatiling may malaking kalamangan ang Pilipinas sa pagproseso ng carrageenan, dahil sa matagal nang naitatag na lokal na industriya ng manufacturing.
Bagama’t nagkakaiba-iba ang mga pagtataya ng industriya, nananatili ang bansa bilang isa sa mga pangunahing tagapagtustos sa pandaigdigang pamilihan ng carrageenan—isang pampalapot at pampatatag na sangkap na nagmula sa seaweed at ginagamit sa mga produktong pagkain at iba pang produkto.
Layunin ng DA-BFAR na mapataas ang productivity ng mga sakahan, mapatatag ang ugnayan sa mga pamilihan, makabuo ng mga produktong may dagdag na halaga, at mapalaki ang kita ng mga magsasaka.
Itinakda ng ahensiya ang layuning pataasin ang produksiyon nang 2 porsiyento kada taon sa loob ng limang magkakasunod na taon, mula 2022 hanggang 2026. Santi Celario