MANILA, Philippines – Personal na ininspeksiyon ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang Tala at Bagbaguin Cemetery bilang bahagi ng paghahanda ng lungsod para sa nalalapit na paggunita ng Undas.
Kabilang sa mga tinignan nina Mayor Along ang pag-aaspalto ng mga daanan sa loob ng sementeryo, gayundin ang pagtatabas sa mga sanga at damo na maaaring makasagabal sa mga dadalaw.
Ayon kay Melbar Reed G. Lazaro, RN, MPA, Officer-in-Charge ng Cemetery Services Administration ng Caloocan City Health Department, walang patid ang paglilinis at repainting sa sementeryo.
Samantala, ipinagpapatuloy ang pag-aaspalto sa mga daanan mula Gate 3 hanggang sa mga bahagi malapit sa Apartment Area at Gate 7 hanggang Gate 9.
Kabilang sa mga isinusulong na bagong sistema ng Tala Cemetery ang paggamit ng Gate 1, 2, at 3 bilang pasukan at labasan ng mga bibisita, kasabay ng pag iinspeksyon ng kanilang mga bitbit na gamit.
Samantala, hanggang Oktubre 28 ang huling araw ng pagpapalibing, habang papayagan lamang hanggang Oktubre 29 ang paglilinis ng mga puntod.
Tinatayang 150,000 hanggang 200,000 ang inaasahan dadagsang bisita sa Tala Cemetery. Samantala, nasa 50,000 hanggang 60,000 naman ang inaasahang magpupunta sa Bagbaguin Cemetery.
Hinihikayat naman ni Mayor Along Malapitan ang mga mamamayang bibisita sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay na panatilihin ang kalinisan sa loob ng mga sementeryo at sumunod sa gabay sa Undas na ilalabas ng lokal na pamahalaan.
“Ang pakiusap ko po sa lahat ng bibisita sa mga sementeryo sa Caloocan, makiisa po tayo sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan, sundin ang gabay sa Undas na ilalabas ng ating lokal na pamahalaan. Igalang po natin sa lahat ng oras ang himlayan ng mga namayapa,” ani Mayor Along.
Kasama ng alkalde sa pag-iikot ang mga pinuno at kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan at ahensya, kabilang na ang City Engineering Department, City Environmental Management Department, City Disaster Risk Reduction and Management Department, Public Safety and Traffic Management Department, General Services Department, Community Relations Office, City Health Department, Caloocan City Police Station, Bureau of Fire Protection – Caloocan, at mga kawani ng barangay. Merly Duero