MANILA, Philippines – Sumirit sa spilling level ang tubig sa lLa Mesa Dam nitong Miyerkules ng gabi sa gitna ng mga pag-ulan na dala ng Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ng Super Typhoon Carina.
Alas-6 ng gabi, umabot sa 80.16 metro ang lebel ng tubig, na bahagyang mas mataas sa normal na taas ng tubig na 80.15 metro, ayon sa state weather bureau PAGASA.
“Excess flood waters in La Mesa Dam will overflow in the event that the dam elevation reaches 80.15 m,” ayon sa abiso ng PAGASA.
Sinabi ng PAGASA na inaasahang maaapektuhan ng tubig mula sa dam ang mga mabababang lugar sa tabi ng Tullahan River mula Quezon City (Fairview, Forest Hills Subd., Quirino Highway, Sta. Quiteria, at San Bartolome), Valenzuela (Brgy. Ligon, North Expressway, La Huerta Subd.) at Malabon.
“Lahat ng mga residenteng nakatira sa mga nabanggit na lugar, lalo na ang mga malapit sa tabing-ilog, ay pinapayuhan na maging alerto sa posibleng pagbaha,” ayon pa sa PAGASA. RNT