Home NATIONWIDE Lacson: 2027 budget bill, pupurgahin sa lahat ng uri ng ‘pork barrel’

Lacson: 2027 budget bill, pupurgahin sa lahat ng uri ng ‘pork barrel’

2
0

MANILA, Philippines — Buo ang suporta ng mayorya ng Senado sa pagsisikap ni Senate Finance Committee Chairman Jose Victor “JV” Ejercito na alisin sa panukalang 2027 national budget ang mga kuwestiyonable at posibleng corruption-prone na alokasyon, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.

Sinabi ni Lacson na suportado ng Senate majority bloc hindi lamang ang pagtanggal sa mga kuwestiyonableng alokasyon kundi maging ang pagtitiyak ng transparency sa buong proseso ng pagbuo ng pambansang budget.

“The majority of senators are rallying behind Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito’s efforts to cleanse the 2027 budget of unwarranted, whimsical, and corruption-prone items. — ALL MEANS ALL!” saad ni Lacson sa kanyang post sa X noong Linggo.

Nakakuha rin si Ejercito ng commitment mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na aalisin sa House-approved budget ang mga infrastructure project na kulang sa supporting documents kung hindi maisusumite ng ahensya ang kinakailangang dokumento bago ang Nobyembre 3.

Batay sa pagsusuri ng Senado, tumaas mula 11,420 sa National Expenditure Program (NEP) tungo sa 16,244 sa House-transmitted General Appropriations Bill (GAB) ang bilang ng DPWH projects.

Ayon kay Lacson, 6,271 sa mga bagong proyekto ang idinagdag ng mga mambabatas nang hindi dumaan sa paunang pagsusuri ng Executive branch.

Nauna nang tinukoy ng ilang budget advocacy groups ang kakulangan sa supporting documents bilang isa sa mga red flag sa bersyon ng panukalang budget na inaprubahan ng Kamara.

Samantala, sinabi ni Ejercito na iimbitahan ang mga civil society organization (CSO) na mag-obserba sa bicameral conference committee deliberations para sa 2027 budget.

Ilalabas din nang live ang bicam proceedings upang mabantayan ng publiko ang pagre-reconcile ng bersyon ng Senado at Kamara.

Iginiit naman ni Lacson na walang dapat malibre sa pagsusuri ng Senado sa mga kuwestiyonableng alokasyon.

Nang tanungin kung kasama sa bubusisiin ang malaking net increase sa infrastructure allocations ng Ilocos Norte 1st District na kinakatawan ni Rep. Sandro Marcos, sinabi ni Lacson: “Yes, absolutely.”

Aniya, bagama’t wala siyang nalalamang miyembro ng Senate majority na nagpasok ng sariling proyekto sa budget bill, ramdam umano niya ang pagkakaisa ng mga senador sa mas mahigpit na pagsusuri.

“Sa Senate hindi ko alam kung may mangahas maglagay ng pet projects, I don’t think so. Pag nagcha-chat kami, alam ko ramdam ko ang sentiment ng aking kasamahan,” ani Lacson.

Nakatakdang magbalik ang plenary sessions ng Senado sa Nobyembre 9, habang inaasahang sisimulan ang plenary debates sa panukalang 2027 national budget sa Nobyembre 23.

Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here