Home NATIONWIDE DOLE Hotline 1530 inilunsad para sa mga manggagawang Pinoy

DOLE Hotline 1530 inilunsad para sa mga manggagawang Pinoy

2
0

MANILA, Philippines — Pormal nang inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Hotline 1530 na layong gawing mas madali para sa mga manggagawa ang paghingi ng tulong kaugnay ng kanilang trabaho.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, ang hotline ay bahagi ng pagsisikap na gawing mas accessible at responsive ang serbisyo ng pamahalaan para sa mga manggagawang Pilipino.

Tinawag itong “1530” bilang pagtukoy sa karaniwang araw ng sahuran tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan.

Sa pamamagitan ng hotline, maaaring magsumbong o humingi ng impormasyon kaugnay ng hindi nabayarang sahod at benepisyo, illegal dismissal, paglabag sa labor standards, at occupational safety and health concerns.

Maaari ring humingi ng tulong kaugnay ng paghahanap ng trabaho at iba’t ibang programa at serbisyo ng DOLE.

Kasabay ng banta ng El Niño, maaari ring gamitin ang hotline para sa mga concern hinggil sa ligtas na kondisyon sa paggawa, partikular ng mga manggagawang exposed sa matinding init gaya ng nasa agrikultura at konstruksyon.

Nauna nang maglabas ang DOLE ng mga panuntunan para maprotektahan ang mga manggagawa laban sa heat-related illnesses habang umiigting ang epekto ng El Niño.

Sinabi ni Tolentino na ang mga concern na matatanggap sa hotline ay ire-refer sa kaukulang DOLE regional o field office para maaksyunan.

“Karapat-dapat pakinggan at tulungan ang bawat manggagawang Pilipino, ika-15 man, ika-30, o anumang araw sa pagitan,” ani Tolentino.

Ayon sa DOLE, maaaring gamitin ang bagong Hotline 1530 para sa labor-related concerns.

Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here