Home ENTERTAINMENT Ate Gay, pumanaw na sa edad na 55

Ate Gay, pumanaw na sa edad na 55

3
0

Manila, Philippines — Pumanaw na ang stand-up comedian, TV host at aktor na si Ate Gay nitong Linggo, Nobyembre 1. Siya ay 55 anyos.

Kinumpirma ng pamilya ni Ate Gay, o Gil Aducal Morales sa tunay na buhay, ang kanyang pagpanaw sa pamamagitan ng isang pahayag sa Facebook.

“It is with profound sadness and heavy hearts that our family announces the passing of our beloved Gil Aducal Morales, lovingly known to many as Ate Gay, on November 1, 2026,” bahagi ng pahayag ng pamilya.

Ayon sa pamilya, pumanaw si Ate Gay matapos ang matapang na pakikipaglaban para sa kanyang buhay habang napapaligiran ng kanyang mga mahal sa buhay.

Nagpasalamat din ang pamilya sa lahat ng nagpaabot ng dasal, pagmamahal, tulong pinansyal at suporta sa komedyante sa panahon ng kanyang karamdaman.

Hiniling din nila ang patuloy na panalangin para sa kanyang kaluluwa at lakas para sa naiwang pamilya.

Iaanunsyo sa susunod na mga araw ang detalye ng burol at funeral arrangements.

Isinilang noong Agosto 12, 1971, nakilala si Ate Gay sa local entertainment industry bilang stand-up comedian at impersonator ng yumaong Superstar na si Nora Aunor. Nagsimula siyang magtanghal sa mga comedy bar noong 1995 at naging regular sa Music Box, Klownz at Zirkoh.

Naging popular din siya dahil sa kanyang comedic song mashups at mga guesting sa telebisyon.

Noong 2021, ilang beses naospital si Ate Gay dahil sa pneumonia at kalaunan ay toxic epidermal necrolysis o TEN, isang bihira at malubhang kondisyon sa balat.

Noong Setyembre 2025, isinapubliko niya na na-diagnose siya ng Stage 4 mucoepidermoid carcinoma, isang bihirang uri ng cancer.

Noong Oktubre 15, 2026, nagdaos pa si Ate Gay ng tinawag niyang “living funeral” sa Forest Lake Memorial Parks sa Biñan, Laguna, kasama ang kanyang pamilya at malalapit na kaibigan bilang isang “celebration of life.”

Ilang araw bago siya pumanaw, na-confine siya sa intensive care unit ng Asian Hospital and Medical Center habang patuloy na nakikipaglaban para sa kanyang buhay.

Mula sa Remate Online, taos-puso ang aming pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan at tagahanga ni Ate Gay.

Ronnie Carrasco III

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here