Home HOME BANNER STORY Pamilya ng mga ‘desaparecidos’ muling nanawagan ng hustisya ngayong Undas

Pamilya ng mga ‘desaparecidos’ muling nanawagan ng hustisya ngayong Undas

2
0
(c) Danny Querubin

MANILA, Philippines — Nagtipon ang mga pamilya ng mga biktima ng enforced disappearance ngayong All Souls’ Day, Nobyembre 2, upang alalahanin ang kanilang mga nawawalang mahal sa buhay at muling manawagan para sa katotohanan at hustisya.

Kasama ang human rights groups na Desaparecidos at KARAPATAN, nagsagawa ang mga pamilya ng pagtitipon sa Claret School Chapel sa UP Village, Quezon City.

(c) Danny Querubin

Sa halip na dumalaw sa mga puntod ngayong Undas, nagsama-sama ang mga pamilya upang alalahanin ang mga mahal sa buhay na hanggang ngayon ay hindi pa natutukoy ang kinaroroonan.

Patuloy nilang isinusulong ang panawagang “Surface All Desaparecidos” at hinihiling na matukoy ang sinapit ng mga nawawala at mapanagot ang mga responsable sa kanilang pagkawala.

Taun-taon nang nagsasagawa ang Desaparecidos at KARAPATAN ng ganitong paggunita tuwing All Souls’ Day bilang pagpapaalala sa mga kaso ng enforced disappearance sa bansa.

Ayon sa KARAPATAN, mahigit 1,900 biktima ng enforced disappearance ang kanilang naidokumento mula pa noong administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Mula naman nang ipatupad ang writ of amparo noong 2007, sinabi ng grupo na 272 kaso ng enforced disappearance ang kanilang naitala, kabilang ang 17 sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Noong Agosto, nagsumite rin ang mga pamilya ng mga desaparecido ng liham sa Supreme Court na humihiling ng masusing pagrepaso sa writs of amparo at habeas data.

Ayon sa kanila, bagama’t idinisenyo ang mga legal remedy na ito upang protektahan ang mga biktima at kanilang pamilya, nakaranas umano sila ng delays, procedural obstacles at kakulangan sa pagpapatupad ng mga kautusan ng korte.

Kabilang sa mga matagal nang hinahanap ng kanilang pamilya ang activist na si Jonas Burgos, gayundin sina Dexter Capuyan, Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus, James Jazmines at Felix Salaveria Jr.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10353 o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, ipinagbabawal at ginawang krimen sa Pilipinas ang enforced o involuntary disappearance.

Iginiit naman ng Desaparecidos at KARAPATAN na ipagpapatuloy nila ang paghahanap sa mga nawawala at ang panawagan para sa pananagutan habang wala pang malinaw na kasagutan ang kanilang mga pamilya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here