Home OPINION ANG MAGITING NA PANGULONG BBM

ANG MAGITING NA PANGULONG BBM

184
0

“MGA minamahal kong kababayan, lagi nating labanan ang mali at ang masama. Lagi po natin ipaglaban ang tama at ang mabuti. Lagi po nating mahalin ang Pilipinas. Lagi po nating mahalin ang Pilipino. Mabuhay po kayo at mabuhay ang bagong Pilipino,” mga kataga sa huling bahagi ng talumpati ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanyang nakaraang ikatlong State of the Nation Address noong Hulyo 22, 2024 na nagpapakita ng pagiging makabayan.

Sa nakaraang SONA ay naging prayoridad ng administrasyon na maging masagana ang kinabukasan ng ating bansa kaya naman iniulat niya sa bayan ang pagbangon ng ekonomiya at paglikha ng trabaho para mapatatag at mapalago ang ekonomiya sapagkat ang paglikha ng mas maraming trabaho at pagsuporta sa maliliit na negosyo ay mag-aangat sa antas ng buhay ng mga Pilipino.

Ang pagpapaunlad naman ng imprastraktura ayon kay PBBM ang susi sa pag-unlad ng bansa gaya ng dagdag na mga kalsada, tulay, at transportasyon na magdurugtong sa mga isla ng ating bansa.

Samantala, ang kalidad ng kalusugan at edukasyon ay binigyang-diin din niya para makamit ang dagdag pang mga tulong at benepisyo sa mga may sakit gaya ng cancer, maging sa mga sektor ng PWDs at senior citizens; ganoon din sa kalidad ng edukasyon sa bansa ay mas umangat pa para maging mabuting oportunidad sa bawat kabataan na maging competitive sa lahat ng larangan.

Nang manood  ng SONA ng Pangulo ang aming pamilya sa TV, ako man ay napatayo at napapalakpak din ng dalawang beses nang wikain na niya ang magiting na paninindigan para sa ating West Philippine Sea at seguridad ng bansa;  at ikalawa ay sa pag-anunsyo na niya ng pagpapatigil na sa lahat ng operasyon ng POGO sa buong bansa.

Ang mga bagay na ito ay napakahalagang hakbang para sa pangangalaga at pagtatanggol sa usaping seguridad ganoon din para sa patrimonya at soberanya ng ating minamahal na bansang Pilipinas.

Nanawagan din si PBBM para sa patuloy na pagkakaisa ng lahat ng Pilipino sapagkat ito ay mahalagang sangkap ng isang matatag na Republika. Tila napapanahon ang kanyang panawagan ng pagkakaisa lalo pa at matutunog na naman ang banta ng destabilisasyon sa kanyang pamamahala mula sa kampo nang gusto siya ay mapaalis sa pwesto at agad na mailuklok ang kanilang minamanok.

Sa totoo lang noong nakaraang 2022 Presidential Election ay sa Leni – Kiko team ako sumuporta at nangampanya, ngunit sa pagkakataong ito na si PBBM ang naluklok sa poder ng kapangyarihang pampulitika ay mas nanaisin ko na lamang na suportahan siya at hindi ako susuporta sa mga panawagan ng iilan na mapatalsik siya lalo pa at nakita ko naman sa kanya ang pagiging makabayan sa isyu ng pagtatanggol sa WPS at pagpapasara ng mga POGO sa buong bansa at panawagan niya nang paglaban sa mali at masama at lumaban para sa tama at mabuti na talaga namang nararapat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here