NAGDESISYON ang Metro Manila Council na isailalim sa State of Calamity ang buong National Capital Region matapos na palubugin sa baha ang maraming lugar at maapektuhan ang napakaraming residente, lalong-lalo na ang mga nakatira sa malapit sa mga ilog at mga bahaing lugar.
Sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), lumubog sa baha na hanggang bewang o isang palapag ng bahay ang maraming barangay sa mga lungsod ng Mandaluyong, Maynila, Marikina, Navotas, Pasay, Pasig, Taguig, Valenzuela at Quezon City.
Nagkasundo ang mga alkalde at ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magdeklara ng state of calamity para kaagad matugunan ang mga residente na naapektuhan ng pagbaha na dulot ni Super Typhoon Carina na nagpalakas sa Habagat.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa loob ng 57 hours mula noong July 22, 2024 ay umabot na sa 590.1 millimeters ng tubig ulan ang bumuhos sa Metro Manila at mga lalawigan sa gitna at hilagang Luzon.
Naabot ni Typhoon Carina ang lakas para maituring na isang super typhoon.
Sa huling weather bulletin ng PAGASA, nasa 185 kilometer per hour (kph) ang taglay nitong hangin na may pagbugsong hanggang 230 kph at kumikilos sa direksyon ng hilagang kanluran. Bagama’t nasa loob ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ay hindi ito tumama sa kalupaan.
Inutusan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan, partikular ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Public Works and Highways na kaagad na makipag-ugnayan sa mga local government unt na lubhang apektado ng pagbaha at landslides at ibigay ang kinakailangang tulong.
Nais ng Pangulo na lahat ng kakailanganin ng mga nasa evacuation centers ay kaagad na maibigay.
Sa ulat ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, sinabi nitong may nakahandang halos isang milyong food pack ang kagawaran na ipinapamahagi sa mga lumikas at nire-rescue na mga pamilya, may naka-standby rin itong food and non-food items na nagkakahalaga ng Php 1.2 billion, at may nakatabing pondo na Php 2.6 billion para sa mga iba pang kakailanganin.
Pagseseguro ng kalihim, nakahanda ang Disaster Response Management Group at ang DSWD field offices.






