Home NATIONWIDE 40 health facilities napinsala ni Carina – DOH

40 health facilities napinsala ni Carina – DOH

125
0

Bahagyang napinsala ang 40 health facilities sa buong bansa dahil sa pananalasa ng bagyong Carina at Habagat, ayon sa Department of Health.

Sa bilang na ito, sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na 18 ay mga barangay health stations, 14 ay hospitals, 7 ay rural health units ay isang regional office ng DOH.

“Umaandar pa sila. Sinasabi lang namin, ito ‘yung nabaha, ‘yung mga medyo napalikas ng onti. Pero dahil ang gagaling ng mga health workers, bumalik kaagad,” sabi ni Domingo sa Super Radyo dzBB interview.

Noong Huwebes, sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na may 11 health facilities na nagtamo ng partial damage dahil sa masamang panahon.

Sa kabila nito, sinabi ni Domingo na patuloy ang pagbibigay ng DOH ng primary care services sa mga taong apektado ni Carina at ng Habagat.

Sinabi ni Domingo na kabuuang 5,159 na konsultasyon ng iba’t ibang health concerns ang naisagawa na sa mga evacuation centers.

Nauna nang sinabi ni Herbosa na inaasahang tataas ang kaso ng leptospirosis sa mga susunod na araw dahil ang malakas na pag-ulan ay nagresulta sa matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon.

Ang National Capital Region (NCR), Ilocos Region, Calabarzon, at Central Luzon ay kasalukuyang nasa ilalim ng Code Blue dahil sa resulta ng Carina at ng Habagat.

Sa ilalim ng code blue– ang pangalawang pinakamataas na alerto, mayroong 50% agency resource mobilization, ibig sabihin, ang mga koponan ay pinapakilos upang dagdagan ang mga kasalukuyang regular na pang-araw-araw na mapagkukunan, at upang asikasuhin ang mga apektadong lugar o upang gamutin ang mga pasyente.

Isinaaktibo din ang Incident Command System ng DOH at isinasagawa ang isang coordinative meeting kasama ang mga health cluster. Ang koordinasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay inabisuhan din kaugnay sa nasabing alerto. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here