Home NATIONWIDE Mga mangingisda nangangamba sa oil spill

Mga mangingisda nangangamba sa oil spill

164
0

MANILA, Philippines- Sinabi ng grupo ng mangingisda na Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) na nasa 29,000 mangingisda sa pitong coastal towns ang maaapektuhan kung patuloy na kumalat ang oil spill sa lalawigang ito.

Sinabi ng PAMALAKAYA na ang langis mula sa lumubog na motor tanker (MT) Terra Nova sa Bataan, ay nakarating na sa baybayin ng ilang bayan sa Cavite, kabilang ang Cavite City (5, 500 mangingisda), Noveleta (1, 500 mangingisda) , Tanza (5, 000 mangingisda), Naic (7, 000 mangingisda), Rosario (6, 000 mangingisda), Ternate (3, 000 mangingisda), at Maragondon (700 mangingisda).

Noong Hulyo 28, ang mga mangingisdang miyembro ng PAMALAKAYA sa Tanza ay nabulabog ng kakaibang amoy na nauugnay sa oil spill. May mga nahuling isda din na nabahiran na ng oil slick.

“Lubha nang ikinababahala ng mga mangingisda na hindi na mabili ang kanilang mga produkto dahil sa kontaminasyon ng langis. Malaking perwisyo ito sa mga mangingisda ng lalawigan ng Cavite na lugmok pa rin ang kalagayan mula nang manalasa ang Bagyong Carina at Habagat nitong nakaraang linggo,” ayon kay Ronnel Arambulo, PAMALAKAYA Vice Chairperson ng Pamalakaya.

Kaugnay nito, hinimok ng grupo ng mga mangingisda ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa agaran at konkretong interbensyon upang matulungan ang apektadong industriya ng pangingisda sa Cavite.

“Tiyak na signipikante ang pagbagsak ng produksyon ng isda dahil sa magkakasunod na kalamidad na tumama sa ating bansa. Dapat mayroon nang malinaw na hakbang ang pamahalaan para masuportahan ang mga bulnerableng sektor sa agrikultura tulad ng mga mangingisda.

Malaking kapabayaan ng pamahalaan kung bukod sa hindi maaagapan ang pagkalat ng langis, ay walang suportang matatanggap ang mga mangingisda,” giit ni Arambulo.

Nakatakdang magsagawa ng on-site inspection ang grupo ng mga mangingisda sa baybayin ng Cavite ngayong araw, para sa lawak ng oil spill.

Samantala, inihayag din ng ilang mga namimiwingwit ng isda sa Manila Bay na posibleng maapektuhan ang kanilang fishing activity sa baybayin dahil sa lumubog na motor tanker sa Limay, Bataan.

Ito ay kasunod ng naging pahayag ng mga eksperto ng UP na posibleng umabot na sa tabing-dagat ng Maynila ang oil spill mula sa MT Terra Nova.

Nababahala ang mga nangangawil na maaring maapektuhan ang mga lamang dagat lalo na ang mga isda kapag may langis na kakalat sa dagat.

Umaasa ang ilan na sapat ang pagtugon ngayon sa Bataan para maibsan ang epekto ng tumagas na langis sa kalikasan.

Sa ngayon wala pang langis na napansin ang mga nangangawil sa bahagi ng Manila Bay sa likod ng Quirino Grandstand at US Embassy gayundin sa likod ng Phil Navy HQ at bahagi ng CCP Complex na kapwa sakop pa ng lungsod ng Maynila. Santi Celario/Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here