MANILA, Philippines – Patay ang isang 10 taong gulang na batang lalaki nang sumiklab ang sunog sa isang dalawang palapag na residential/commercial establishment sa Paco, Maynila nitong Miyerkules ng umaga, Hulyo 31.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Manila, nagsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Pablo kung saan naiwan ang bunsong anak na lalaki.
Ayon naman sa padre de pamilya, napahiwalay ang kanilang anak nang sila ay lumikas.
Tinangka naman aniya nitong habulin ang bata subalit mabilis ang pagkalat ng apoy at matindi ang init nito.
Tatlong bahay ang naapektuhan sa sunog na nagsimula alas 10:20 ng umaga at tumupok sa P70,000 halaga ng ari-arian.
Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP-Manila sa sanhi ng sunog.
Nagsasagawa rin ng mopping up operations matapos maideklarang fire out ang sunog alas-11:38 ng umaga. Jocelyn Tabangcura-Domenden