WASHINGTON- Nagkasundo ang US prosecutors at 9/11 mastermind Khalid Sheikh Mohammed sa isang plea deal, base sa Pentagon nitong Miyerkules, kung saan maghahain umano ang suspek ng guilty plea kapalit ng pag-iwas sa death penalty trial.
Ang kasunduan ay tungo sa resolusyon sa kaso ni Mohammed at dalawa pang akusado, na nakapiit sa Guantanamo Bay military base sa Cuba.
Batay sa pahayag ng Pentagon, hindi muna isasapubliko ang detalye ng kasunduan, subalit iniulat ng New York Times na pumayag sina Mohammed, Walid bin Attash at Mustafa al-Hawsawi na maghain ng guilty plea sa conspiracy para sa life sentence sa halip na paglilitis matapos lumabas na maaari silang maharap sa death penalty.
Idinetalye ng prosecutors ang proposal na ito sa isang liham noong nakaraang taon, subalit hati ang mga pamilya ng halos 3,000 indibidwal na nasawi sa September 11, 2001 attacks, kung saan naghihintay ang ilan na maharap ang defendants sa pinakamabigat na parusa.
Itinuturing si Mohammed na isa sa pinakapinagkakatiwalaan at pinakamatalinong lieutenants ni Al-Qaeda chief Osama bin Laden bago ito madakip noong Marso 2003 sa Pakistan.
Sangkot ang trained engineer — na sinabing siya ang utak ng 9/11 attacks “from A to Z” — sa ilang major plots laban sa United States, kung saan siya nag-aral.
Ayon pa kay Mohammed, siya mismo ang pumugot sa ulo ni US journalist Daniel Pearl noong 2002 gamit ang kanyang “blessed right hand,” at tumulong din umano sa 1993 World Trade Center bombing kung saan nasawi ang anim na indibidwal. RNT/SA