MANILA, Philippines- Naglabas na ng Certificate of Registration ang Food and Drug Administration (FDA) para sa bakuna sa African Swine Fever (ASF).
Sa isang panayam, nagpahayag ng kagalakan ang sektor ng agrikultura sa anunsyo ng FDA at sinabing magandang balita ito dahil pasado na sa pagsusuri ang bakuna.
Bilang chairman ng Pork Producers Federation of the Philippines, Inc. at presidente ng Agricultural Sector Alliance, sinabi ni Rep. Nicanor Briones na bagama’t hindi nagdudulot ng banta sa kalusugan ng tao ang ASF ay nakapipinsala naman ang epekto nito sa mga baboy na may isang impeksyon, na kayang lipulin ang mga ito.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magsisimula na sila sa pagpapakalat sa nasabing bakuna sa mga apektadong lugar. Ayon pa kay Laurel, 150,000 bakuna ang agad nilang dadalhin sa mga Red Areas ng ASF partikular sa mga lalawigan ng Batangas at Mindoro na sisimulan sa susunod na buwan.
“Malaking tulong po ito at matagal na pong hinihintay ng mga sector ng pagbababuyan at ang pagkakaalam ko po, libre ito at iyon ang isang malaking pag-asa na dumating sa ating mga magbababoy na matagal nang pinapahiran na ASF at alam ko na aabot sa 600,000 baboy ang pwedeng bakunahan ng libre na nagkakahalaga ng P350 million ang budget.
“Ibig sabihin naglalaro ito between P550 to P600 ang halaga kada dose,” pahayag ni Cong. Briones. Bagama’t limitado parin aniya sa ngayon ang supply, libre namang ibibigay ng DA ang bakuna laban sa nasabing sakit.
Bahagi ng kabuuang 600,000 bakuna na magmumula sa Vietnam ang 150,000 bakuna na unang ipamimigay ng Agriculture Department.
Samantala, tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na naglaan ito ng P350 milyon para sa pagbili ng mga bakuna.
Sasailalim sa controlled rolled-out na pangangasiwa ng Bureau of Animal Industry ang mga bakuna, kabilang ang mga mula sa Vietnam.
Nagpapasalamat ang nasabing sektor kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Sec. Kiko Laurel dahil napagkalooban sila ng libreng bakuna lalo na ang backyard raisers na lubhang naapektuhan ng nasabing outbreak.
Muli, humilihiling ang sektor ng magbababoy na isunod naman ng pamahalaan ang bakuna laban sa bird flu.
“Inumpisahan nila na magbigay ng libreng bakuna sana lahatin nila iyong backyard at commercial na buong populasyon ng baboy sa bansa. Magiging malaking tulong ito para sa mga ating hog raisers para magkaron sila ulit ng lakas ng loob na mag-alaga at magparami.
Lalong malaking tulong ito sa ating mga consumers, mamili dahil pwedeng bumaba ang presyo ng baboy kapag dumami ang supply ng ating karneng baboy sa ating bansa. Bababa ang presyo makikinabang ang mamimili o pamilyang Pilipino sa ating bansa, ” pagwawakas ni AGAP Rep. Briones. Jocelyn Tabangcura-Domenden