Pinapalikha ng isang senador ang isang processing center para sa pasahero ng chartered at private flights na ginagamit ng VIPs kabilang ang kanilang bagahe na hindi sumasailalim sa regular na screening process.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Raffy Tulfo na inaabuso ng mayayaman na kriminal, pugante at blacklisted individuals na labas-masok sa bansa na baka ginamit ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang tumakas.
“Kung mga taong lalabas ng bansa natin using chartered planes gusto ko dumaan sila sa butas ng karayom kasi dyan nakakatakas po ang mga fugitives. How do we know [Alice Guo] nakatakas na, I think I’ve heard nakatakas siya using that system,” ayon kay Tulfo.
Kinumpira ng Bureau of Customs na walang X-ray check ang isinasagawa sa mga bagahe ng chartered flights.
“Akalain mo itong mga chartered airlines sakay itong mga passengers kung saang bansa, nakakalibre sila, hindi sila naiinspeksyon,” ayon kay Tulfo.
Tiniyak naman ni MIAA General Manager Eric Castro Ines na magkakaroon ng pagsusuri at ibabahagi ang isyu sa security group ng new concessionaire sa pangunguna ng San Miguel Corporation na nakatakdang pumasok sa September 2024.
“The VIP system is being used mostly by those government,” ani Castro.
Pero, iginiit ng senador na dapat hindi exempted ang sinumang opisyal ng gobyerno sa regular screening process. Ernie Reyes