MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ) kaugbay sa human trafficking complaint laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kabila ng pagsasabi ng kampo ng alkalde na haharapin lamang nila ang usaping ito sa korte.
Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, magpasa man o hindi ng counter-affidavit ang kampo ni Guo, ihahain pa rin ang kaso sa korte.
“Malamang sa hindi isasampa iyan, kasi wala man lang pagkakataon na, pati nga pag-deny di ba, mag-asawa nga kung may suspetsa yung asawa mo, kailangang humindi ka kahit na ano, eh kapag hindi ka umiimik, delikado na na, you are gulty as charged,” ani Vasquez.
Susuriin din ng investigating body kung may laman ba ang reklamo.
“Isipin natin na lahat ng mga kasong isinasampa ngayon ay subjected to case buildup, na under sa case buildup rule ng DOJ, so ibig sabihin, sa level na iyan, nakita na ng assisting prosecutor na may sustansya…. Diyan sa level na iyan, that’s their risk actually, na wala silang pagkakataon, they forfeited their right to present their evidence. In other words, its just like waiver of the right to due process, iyun ang effect na hindi sila magsasampa ng counter-affidavit,” sinabi pa ni Vasquez.
Tinawag ng kampo ni Guo ang misrepresentation complaint na premature matapos na madiskubre na nag-match ang fingerprint ni Guo at ng Chinese national na si Guo Hua Ping.
“Very much premature iyan… Dapat ang korte ang magde-declare kung siya talaga eh ‘yung iisang tao na yun. Hindi yung opinyon ng kung sino sino lang,” ayon kay Atty. Stephen David, abogado ni Guo.
May isyu rin umano kaugnay sa validity ng birth certificate ni Guo.
Sa kabila nito, iginiit naman ng Comelec na hindi na nila kailangan pang maghintay ng resolusyon kaugnay a isyu ng birth certificate ni Guo bago magsimula ng imbestigasyon.
“Hindi po nababatay sa cancellation ng birth certificate ang pag-iimbestiga ng aming law department. Kasi ang malinaw dito, mayroong nakitang tao na nagngangalang Guo Huang Ping. Malinaw po ito doon sa alien certificate of registration, malinaw din po mula doon sa mga dokumentong nabanggit ko na ang kaparehong tao na iyan na nagsasabing alien siya, chinese citizen siya ay Filipno citizen nagke-claim na Alice Leal Guo,” pahayag ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco.
“So ito po ay malinaw na material misrepresentation dahil ang COC po, unang unang allegation diyan na isusumpa po ay ‘I am a Filipino Citizen’ at siya ay qualified sa posisyon na kanyang tinatakbuhan,” dagdag ni Laudiangco.
Sinumang mapag-alaman na guilty sa misrepresentation ay mahaharap sa isa hanggang anim na taong pagkabilanggo, pagkawala ng voting rights, at perpetual disqualification sa pagtakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan. RNT/JGC