Home NATIONWIDE Ocampo, Castro suportado ng indigenous groups sa hatol ng korte

Ocampo, Castro suportado ng indigenous groups sa hatol ng korte

87
0

MANILA, Philippines – Nagtipon-tipon ang mga tagasuporta nina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo at ACT Teachers Representative France Castro sa Quezon City para magpahayag ng suporta laban sa desisyon ng korte sa Tagum kung saan Nakita ang mga ito, at 13 iba pa na guilty sa child abuse.

Nag-ugat ang kaso sa insidente noong 2018 kung saan sinagip nina Ocampo, Castro at iba pa ang mga estudyanteng biktima umano ng harassment ng paramilitary at military forces sa Talaingod, Davao del Norte.

Tinawag ni Attorney Maneeka Asistol ng National Union of People’s Lawyer ang kaso at desisyon na punong-puno ng “hearsays, flip flops, and inconsistencies”.

“Ang teorya nila ay sila ang nagpababa sa mga menor de edad. Delikado ang lugar dahil area of encounters daw sa pagitan ng mga NPA at gobyerno. Yung theory na yun ay sinangayunan ng korte sa kaniyang decision,” ani Asistol.

Tinawag din ni Dr. Mela Magay ng Institute of Asian Studies for Church and Culture ang kaso bilang kahibangan.

“Masyadong absurd ang kaso in the first place. Itong child abuse na kaso ay patunay na yung sinasabi na gumagana ang justice system dito ay hindi totoo. Maganda siguro na ibalik natin ang diskurso na ano ba talaga ang katarungan,” ani Magay.

Pumirma ang mga taga-suporta ng collective statement na nagpapahayag ng kanilang kumpiyansa sa integridad nina Ocampo, Castro at mga guro ng Salugpungan schools.

“It is unthinkable for them to be considered criminals for trying to save children from imminent harm. The authorities should correct this grave injustice. We call on the courts to overturn the ruling against the Talaingod 13,” saad sa pahayag.

Para kay Castro, ang isyu ay hindi tungkol sa kanya o kay Ocampo o sa iba pang sangkot sa kaso. Ito ay patungkol sa kakulangan ng social services at Karapatan ng indigenous peoples.

“This is really a form of harassment and political persecution.”

“Hindi kaming dalawa ang issue. Sana tugunan sana ng gobyerno ang matagal nang hinaing ng mga Lumad sa Mindanao ang pangaagaw sa kanilang mga lupa, pagkait sa edukasyon,” ani Castro.

Dagdag pa niya, dapat magsilbing eye-opener ang kanilang kaso at oras na para tulungan ang indigenous peoples particular na ang mga Lumad sa paglaban sa kanilang Karapatan at self-determination.

Iginiit ni Ocampo na ang desisyon ng korte na hatulan sila ay “miscarriage of justice.”

“I cannot accept that I am a convict. Sinikap nila akong diinan,” aniya.

Ani Asistol, naghain na sila ng notice of appeal sa Tagum Regional Trial Court.

Ipinadala na rin ang case records sa satellite offices ng Court of Appeals (CA) sa Cagayan de Oro.

Naghihintay na lamang silang mai-raffle ang kaso at kautusan mula sa korte na makapaghain ng memorandum of appeal kung saan ipupunto nila ang mga rason kung bakit dapat baliktarin ang desisyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here