MANILA, Philippines – Hindi maaaring gumawa ng mga pwersang hakbang ang International Criminal Court (ICC) kaugnay sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa war on drugs in dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Department of Justice (DOJ) Undersecretary Raul Vasquez na matagal nang kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag ng ICC.
Binigyan-diin ni Vasquez na kahit pumunta sa bansa ang mga kinatawan ng ICC, hindi pa rin basta makakakilos ang kanilang kinatawan ng basta basta gaya ng pag-iisyu ng subpoena o pag-aresto sa mga sinasabing may kinalaman sa drug war.
Iginiit ni Vasquez na isa itong insulto sa kalayaan at soberanya ng Pilipinas. Hindi rin aniya maaari silang mag-aresto dahil hindi naman saklaw ang Pilipinas ng ICC.
“Once they do that they would have to face the consequences of being dealt with by the law enforcement agencies.”
Masyado aniyang malawak na diskusyon ang usapin ng pagpapatupad ng Interpol sa ilalabas na arrest order ng ICC sa Pilipinas.
Nilinaw ni Vasquez na ang ICC at Interpol ay magkahiwalay na ahensya.
Sakali man na ipatupad ng Interpol ang arrest order sa bansa, sasailalim pa rin ito sa proseso.
Una nang kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hiniling na ng ICC sa Philippine government na matulungan sila na makausap ang limang personalidad na sangkot umano sa drug war.
Iginiit ng kalihim na walang obligasyon ang bansa na makipagtulungan sa ICC dahil hindi na ito miyembro ng tribunal. TERESA TAVARES