MANILA, Philippines — Matapos maiuwi ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa Paris Olympics sa pamamagitan ng floor exercise, bumalik ang Golden Boy makalipas ang 24 na oras at nasungkit ang isa pa sa vault.
Inamin ni Carlos Yulo na hindi niya inaasahan ang resulta matapos ang maibulsa ang ikalawang gintong medalya.
“Hindi ko in-expect na ganun yung kalalabasan. ‘Di talaga ako makapaniwala kanina,” wika nito.
“Relax lang ako kanina kasi, parang ‘Sige, kahit ano na to, walang mawawala sa akin, all out na to.’ Ganun na po yung feeling ko kanina,” dagdag pa nito.
Nilabanan ng Pinoy ang matinding pressure mula sa kanyang mga kalaban, na nakakuha ng mga score na maaaring mahirap itaas kung isa kang normal na Olympic athlete.
Sinimulan ni Nazar Chepurnyi ng Ukraine ang kompetisyon sa average na iskor na 14.899. Si Harry Hepworth ng Great Britain ay nagtala ng 14.949, habang ang kanyang kababayan na si Jake Jarman ay nagtala ng 14.933.
Pero hindi ordinaryong atleta si Caloy.
Si Yulo ay nagpakita ng tapang, tumakbo patungo sa vault, inilunsad ang kanyang sarili sa stratosphere, at gumawa ng kasaysayan.
Nagpapakita ng lakas at husay, naabot niya ang halos perpektong landing na nagbigay sa kanya ng 15.433, ang pinakamataas hanggang ngayon.
Ang kanyang pangalawang vault ay medyo mababa ang score sa `14.800, ngunit ito ay sapat na upang ilagay siya sa 15.116.
Sa apat na iba pang gymnast na nakatakdang magtanghal, ang Pilipinas ay sabik na naghintay kasama si Yulo habang isa-isang natapos ang kanilang mga gawain.
Huling pumasok si Artur Davtyan, ang Tokyo bronze medalist, at binigyan ng takot ang Pinoy matapos ang 14.966 sa unang vault.
Nang magkaroon ng eksaktong kaparehong puntos ang Armenian sa ikalawang vault, pinatibay nito ang gintong medalya ni Yulo habang pinalakpakan ng mga manonood ang Pinoy.
“Crazy, crazy experience talaga ito. Grabe.”
Sa kanyang nakamit na karangalan, ang pangalan ng gymnast ay napatibay na ngayon sa kasaysayan ng Pilipinas, na nagbibigay sa kanya bilang isa sa mga pinakadakilang atletang Pilipino kailanman.
At sa edad na 24, maliwanag pa rin ang hinaharap para kay Yulo.