MANILA, Philippines- Nagkasundo ang Senado na limitahan ang pagpasa sa mga panukala sa local holidays sa pagnanais ng mga mambabatas na maging “more competitive” ang bansa, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
“‘Yung holiday, nagkasundo ang Senado na limitahan ang mga holiday. Mahigit isang buwan na ang holiday sa buong bansa which makes Philippine companies and workers less competitive,” pahayag ni Escudero sa isang press briefing.
Binanggit niya na mayroong local holidays sa kada lungsod, munisipalidad, at lalawigan bukod sa national holidays at religion-related holidays.
Binanggit ni Escudero ang halimbawa ng holidays sa United States kung saan ginugunita nila lahat ng kanilang bayani o mga presidente sa loob lamang ng isang araw.
“Meron silang Presidents’ Day, lahat ng magagaling nilang presidente pinagsama-sama nila sa iisang araw na lang na holiday. Tayo hindi. May Araw ng Kagitingan, National Heroes’ Day, bawat bayani pag pinatay sila may holiday na naman, ‘di ba?” anang senador.
Ani Escudero, hiniling na nila ang pag-aaral sa holiday format sa US, subalit binanggit niyang maaari itong magdulot ng dibisyon sa mga senador.
“Ang problema lang away ‘yan eh. Pero hindi naman kailangang gawin yan ngayon, simulan lang natin ang proseso,” wika niya. RNT/SA