Home OPINION 400 PATAY, 150K MAY DENGUE AT KAPABAYAAN

400 PATAY, 150K MAY DENGUE AT KAPABAYAAN

136
0

HALOS 400 na ang patay sa dengue mula sa libo-libong nagkasakit nito simula Enero 1 hanggang Agosto 10, 2024, pwera pa ang mga posibleng hindi nai-report sa gobyerno.

Mas mababa naman umano ang bilang ng mga namatay ngayon kumpara sa 421 namatay noong nakaraang taon.

Marami-rami na ‘yan, mga Bro, at masakit sa ating kalooban na mangyari ‘yan.

Nakababahala rin para sa atin ang paglobo sa mahigit 150,000 na biktima sa Enero hanggang Agosto 2024 kumpara sa 108,000 noong 2023.

Kung tama ang paniniwalang maaaring may mga nasawi na hindi naiulat sa rami ng nagka-dengue ngayon, baka mahigit nang 400 ang patay.

WALANG BAKUNA PERO NALALABANAN

Hanggang ngayon, wala pa talagang bakuna laban sa dengue.

Sinasabing nadenggoy lang tayo ng bakunang Dengvaxia noon na ikinaligwak ng ilang bilyong pisong pondo ng DOH para pambili rito, lalo’t sinapian ito ng korapsyon.

Pero isantabi natin muna ito habang hinihintay ng lahat ang resulta ng kaso ng pagkamatay umano ng mga bata sa Dengvaxia.

Ang isang pagtuunan natin ng pansin ay mga gagawin na matagal nang napatunayang mabisa laban sa pagdami ng lamok na may dengue at hindi makagat ng nasabing lamok

Ayon sa Department of Health, may apat na hakbang o istratehiya laban sa dengue at binubuo ang mga ito ng 4S na mula sa salitang Ingles: Search and destroy ang mga lugar na pinangingitlugan ng mga lamok na may dengue; Secure self-protection o umiwas makagat ng lamok; Seek early consultation kung sa palagay natin ay may natamaan na; at Support fogging or spraying sa mga lugar na may mga kaso na ng dengue.

Lalong isagawa ang mga ito ngayong tag-ulan na may mga tubig na naiipon at doon nangingitlog at lumalaki ang mga lamok.

PAGPAPABAYA

Nasa halos 30 milyon ang mga mag-aaral sa buong bansa.

Kung magiging listo lang ang mga batang ito at makatutulong laban sa mga breeding place o itlugan at kinalalakhan ng mga lamok, napakalaking pwersa ito laban sa lamok.

Kapag pinagtulung-tulongan ng milyon ding magulang at 30 milyong bata ang pakikipaglaban sa lamok, sa loob at labas ng mga tahanan, tiyak ang tagumpay laban sa dengue.

Nakalulungkot nga lang, mga Bro, na limitado lang na lugar at oras natutuon ang pansin ng mga magulang at bata at binabalot ng kapabayaan ang giyers sa dengue.

Kapag parehong may trabaho ang mga magulang, napapabayaan ang mga gagawin laban sa lamok.

At kung lagi nang pagod ang mga bata sa pagpasok sa iskul, hindi na rin nila magagawa ang pakikipaglaban sa dengue.

Ang isa pang nakalulungkot.

Napakalaking dulot na perwisyo ang pagiging adik ng maraming magulang at bata sa mga laro o iba pang bagay na laman ng mga gadget at ninanakaw ang panahon na pakikipaglaban sa dengue.

Sampol na lang ang nasaksihan nating pagputakti ng lamok sa isang kinder student habang naglalaro sa gadget habang very busy rin sa sugal sa e-game ang magulang.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here