MANILA. Philippines- Nasa kustodiya na ng Indonesian authorities ang dalawang kasamahan ng sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nitong Huwebes.
“I received a report last night galing kay [Philippine National Police chief Police General Rommel Marbil] na dalawa sa kasama niya ay naka-detain na sa Indonesia,” pahayag ni Abalos sa isang ambush interview.
Nang tanungin kung ano ang basehan ng pagditene sa dalawa, sinabi ni Abalos na aalamin niya ito, habang nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa police attaché sa Indonesia.
“Pinapa-check ko pa ito but what is important even sa ibang bansa through our police attaché ay kino-coordinate. It only shows talagang seryoso dito ang kapulisyahan,” wika ng opisyal.
Ayon sa ulat, batay sa mga source, kinilala ang mga nadakip na sina Cassandra Li Ong at kapatid ni Guo na si Sheila Guo.
Base sa ulat, naaresto ng Indonesian immigration authorities ang dalawa nitong Miyerkules. RNT/SA