BAGAMAN may kumokontra, kumpleto na umano ang listahan ng kandidatong pang-senador ng administrasyong Marcos para sa halalang 2025, ayon kay Manang Senador Imee Marcos.
Ipagpalagay nang totoo ang chika ni Manang Imee, lumitaw na iisa pa lang ang grupong pambansa na may mga kandidatong pang-senador.
Ang ibang grupo wala pa ngunit may mga paisa-isa nang nagpapakalat ng kanilang mga mukha sa buong Pilipinas na may mensahe.
Sa Oktubre 1 hanggang 8, 2024 ang paghahain ng certificate of candidacy ng lahat ng mga kandidato, mula senador at partylist hanggang kongresman, gobernador, mayor, konsehal ng bayan at iba pa.
Gaganapin ang botohan ng overseas Filipinos sa Abril 13 hanggang May 12, 2024 habang sa April 28 hanggang 30 ang para sa mga local absentee voter gaya ng mga sundalo, pulis at mediaman.
Sa Mayo 12 mismo gaganapin ang botohan sa buong bansa.
Magsisimula ang 90 araw na kampanya ng mga senador at partylist sa Pebrero 11 hanggang Mayo 10, 2024 at ang 45 campaign period para sa mga lokal na kandidato sa March 28 hanggang May 10.
Kung iisipin, malayo pa ang paghahain ng kandidatura na Oktubre 2024 at lalong malayo ang kampanyahan.
Pero ngayon pa lang, nagkukumahog na ang lahat ng mga kandidato na magpakilala ng kanilang mga sarili.
Ano ‘yan, daig ng maagap ang masipag?
Makikita mismo sa mga araw ng halalan hanggang Mayo 12, 2024 kung sino-sino ang mga bibigyan ng taumbayan ng tsansa na maglingkod.
May mga pangyayari na kung sino-sino pa ang maaagap at maiingay, sila pa ang kinakalos ng mga botante.
May makasaysayan pa ngang botohan para sa mga senador na zero panalo ang isang grupo sa kabila ng pagiging maingay at maagap ng mga ito sa pangangampanya at paninira sa kanilang mga kalaban.
Dito lumitaw ang katotohanang kung kanino ramdam na ramdam ng taumbayan ang kapakinabangan ng higit na nakararami, doon sila nagbubuhos ng kanilang boto.