MANILA, Philippines- Walang apektadong sensitibong datos ang nakuha ng hacker sa website ng Senado matapos kumpirmahin ito ng isang mataas na opisyal ng kapulungan nitong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni Senate Spokesperson Arnel Jose S. Bañas na tanging usernames at logs na gamit sa pag-upload ng public documents ang nakuha ng hackers.
“The logs include basic metadata, such as the upload date and file size, which do not pose any significant security risk,” ayon kay Banas.
“We therefore confirm the statement of DICT (Department of Information and Communications Technology) Assistant Secretary Renato Paraiso that the incident is not cause for alarm,” giit pa ng opisyal.
Iniulat ng DICT na isang hacker group na tinawag na DeathNote Hackers ang nakapasok sa website ng Senado at ninakaw ang usernames at logs ng empleyado.
Bukod sa DICT, kinumpirma din ng cybersecurity group Deep Web Konek ang hacking.
Pero, sinabi ni Bañas na tanging public documents tulad ng committee hearing transcripts at plenary session journals ang nakuha na maaari naman madaling ma-download sa website.
Nangako ang opisyal na ipagpapatuloy ng Senado ang maintenance ng website at pananatilihin ang seguridad at proteksyon sa ikakasang mas mabigat na cybersecurity measures. Ernie Reyes