MANILA, Philippines- Nasa kustodiya na ngayon ng National Bureau of Investigation ang dalawang kasamahan ni dismissed Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac kasunod ng pagkakaaresto at pagpapatapon sa kanila mula sa Indonesia.
Kinumpirma ni Atty. Ferdinand Topacio, ang abogado ni Cassandra Li Ong na kasama ang kapatid ni Alice Guo na si Shiela Guo, na bumalik sa Pilipinas ang dalawa at nasa kustodiya na ng NBI sa Quezon City.
Si Ong ay sangkot sa Lucky South 99 POGO sa Porac, Pampanga na sinalakay kamakailan dahil sa illicit activities habang si Guo ay dawit din sa POGO operations.
Naaresto ang dalawa sa Batam kasunod ng ulat na si Alice Guo ay umalis sa bansa at iniulat na nasa Indonesia kasama ang ilang indibidwal.
Sinabi ni Topacio na si Ong at Guo ay binigyan ng ‘folding chairs’ sa loob ng airconditioned ‘special detention room’ sa 8th floor ng NBI headquarters.
Nagpasalamat naman si Topacio kay NBI Director Jaime Santiago sa pagtiyak na ang karapatan ng mga naaresto at protektado at tinatratong mabuti at ang lahat ng mga karapatan sa pagbisita ay susundin.
“Maraming salamat po, Director Santiago, for respecting all the rights of my client,” sabi ni Topacio.
Aniya, ang kanyang kliyente ay hindi pa na-inquest at sasailalim sa nasabing procedure ngayong Biyernes sa NBI headquarters o sa Department of Justice.
Nasa maayos na kondisyon na rin aniya si Ong.
Binigyang-diin pa ni Topacio na ang proseso ng pag-aresto kay Ong ay dapat gawin ng Sergeant at Arms of the House dahil mayroon lamang “legislative warrant” para sa kanya.
“Arrested kasi inaresto. They were apprehended and taken into custody so may aresto. But on what basis, ‘yon po ang hindi natin alam. Kaya nga ‘yon ang sinasabi ko na and I’ve been consistent. Sinabi ko rin kay director [Santiago] but of course it is useless to debate the issue now because si director is doing his job, I’m also doing my job. We will leave it up to the proper forum to resolve,” pahayag ni Topacio.
Ayon kay Topacio, isasailalim sa inquest si Ong para sa mga kasong “Obstruction of justice” at “Harboring a fugitive” na kinumpirma niyang bailable cases.
Sinabi rin ni Topacio na nakausap na rin ni Shiela Guo ang kanyang legal counsel. Jocelyn Tabangcura-Domenden